3-ARAW NA RALLY NG INC TINANGKANG PIGILAN?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY natanggap tayong impormasyon na tinangka palang pigilan ng Palasyo ang tatlong araw na anti-corruption rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nagsimula nitong Nobyembre 16 hanggang 18.

Isang “Secretary Pogi” na matikas at macho, malaki ang boses at malaki ang tiwala sa kanyang sarili, ang nagtangkang pumigil sa rally.

Mas malakas daw ang arrive nitong si “Sec. Pogi” kaysa Bagyong Uwan pagdating sa lobbying kaya tiwala siya na magagawa niya ang lahat.

Nagpaikot-ikot ng anim na beses itong si Sec. Pogi sa Palasyo at sa Central para mapigilan ang tatlong araw na rally ng kapatiran, subalit hindi gumana at mukhang nabalewala ang kanyang tikas.

Kaya hayun, tuloy ang protesta ng kapatiran na nagsimula nitong nakaraang Linggo, Nobyembre 16 at magtatapos sa 18, ngayong Martes.

Kung pagbabasehan ang pahayag ni Ka Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, ang layunin ng kanilang protesta ay transparency at accountability sa mga utak ng korupsyon.

Kung may iba pang dahilan ay hindi natin alam ‘yun, sila na ang nakaaalam nu’n.

Ayon kay Marites, ang tinaguriang babaeng lagalag, ay biglang uminit ang ulo ng kapatiran kaya naman nagkaroon ng sibakan sa Aduana at BIR.

Sinibak sina Rubio, Baquiran at Raval at naipasok naman si Raval sa DILG na naging mistulang group promo na “3 for the price of one.”

Nais ibalik ni Sec. Pogi ang tatlong sinibak sa Customs subalit hindi ito nangyari.

Hindi pumayag si BIR Commissioner Romeo Lumagui, kaya hayun siya ang nawala sa komisyon.

Kaya ang resulta nagalit ang kapatiran sa administrasyon natuloy ang tatlong araw na rally ng INC.

May katanungan ang taumbayan ngayon, bakit parang naniningkit ang mata ng kapatiran sa BIR at BOC?

Dahil hindi napigilan ni Boss Pogi ang rally ng INC, hindi ba umubra ang kanyang pagiging macho at guwapito sa kapatiran?

Kaya sa 2028, baka mawala itong si Boss Pogi at mapalitan ng ibang mamanukin na isasabak sa labanang pampulitika.

Mayroon pang tatlong taon ang pakikipagsapalaran ni Boss Pogi at may pagkakataon pa siyang makakuha ng suporta mula sa Malakanyang sa darating na eleksyon.

Abangan na lang natin ang magiging kapalaran ni Boss Pogi.

Bantayan din natin ang magiging sagot ng Palasyo sa tatlong araw na kilos protesta ng INC na magtatapos ngayong araw, Martes, Nobyembre 18.

Sa pinakahuli, naglabas na rin ng part 3 video itong si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.

oOo

Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

127

Related posts

Leave a Comment