TARGET ni KA REX CAYANONG
SA gitna ng patuloy na pag-alingasaw ng mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan, isang malakas, malinaw, at makatotohanang panawagan ang muling umalingawngaw mula sa Iglesia ni Cristo (INC): “Maging tapat, lantad, at huwag ikubli ang mga guilty!”
Isa itong paalala, isang hamon, at isang paghikayat sa pamahalaan at sa sambayanan na huwag hayaang lamunin ng korupsyon ang kaayusan ng ating lipunan.
Sa unang araw ng kanilang peace rally kontra katiwalian sa Quirino Grandstand, buong paninindigan na sinabi ni INC spokesperson Edwil Zabala ang hinaing at sentimyento ng maraming Pilipino.
Aniya, tila may mga taong “halata” na nagtatakip sa mga sangkot sa talamak na pagnanakaw sa kaban ng bayan—isang obserbasyong matagal nang bulung-bulungan ngunit ngayo’y inuulit sa entablado ng publiko.
At sa kanyang matapang na pahayag, binigyang-diin niya ang hindi maikakailang katotohanan: “Saan po kayo nakakita na ‘yung tumutulong sa imbestigasyon… ang siya pang sinisiraan?”
Tunay ngang may bigat ang tanong ni Zabala. Sa mga nakalipas na buwan, ilang ulit nating nasaksihan ang pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu. Sa halip na harapin ang problema, may mga pinipiling siraan, takutin, o patahimikin ang mga whistleblowers at mga tumutulong magsiwalat ng katotohanan. Ganito ba ang hustisyang nararapat sa bayan? Ganito ba ang pamamahala na inaasahan ng taumbayan?
Maliwanag na ang panawagan ng INC ay hindi laban sa pamahalaan kundi laban sa katiwalian—isang kaaway ng bawat Pilipino, anoman ang kanilang relihiyon, paniniwala, o pulitika. Ang katiwalian ay sumisira sa institusyon, sa tiwala ng mamamayan, at sa kinabukasan ng bansa.
Kaya nararapat lamang na ang sinomang tumutulong sa paghahanap ng katotohanan ay pahalagahan, hindi yurakan.
Subalit ang kailangan ay kongkreto, malinaw, at matapang na aksyon.
Panahon na upang ipakita na tunay na umiiral ang transparency at accountability sa pinakamataas na antas ng pamahalaan.
Ang rally ng INC ay hindi lamang pagtitipon, ito ay tinig ng pagkadismaya at pag-asa. Ito ay panawagan na tayo’y manindigan para sa tama, sa tapat, at sa lantad.
Totoo ang sinabi ni Zabala—nakagagalit isipin na ang tumutulong para mailantad ang katotohanan ang siya pang binabaligtad.
85
