NANG magbitiw si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, umangat bilang pinakamalaking kontraktor sa Kamara si Construction Workers Solidarity (CWS) party-list Rep. Edwin Gardiola.
Sa isang press conference kahapon, inilahad ni Batangas Rep. Leandro Legarda-Leviste ang umano’y higit P100 bilyong halaga ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakuha ng mga kumpanyang konektado kay Gardiola mula 2016 hanggang 2025.
“Today I will discuss how Congressman Edwin Gardiola is the top contractor in Congress today,” pahayag ni Legarda, na nagsabing nakuha ni Gardiola ang titulo matapos magbitiw si Co bilang miyembro ng Kamara.
Ayon kay Legarda, mas malaki ang operasyon ni Gardiola kumpara sa mga kilalang kontraktor na iniimbestigahan sa flood control projects, kabilang ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Bagama’t walang natukoy na ghost projects na kinasasangkutan ng mga kumpanyang konektado kay Gardiola, sinabi ni Legarda na halos lahat ng mga proyektong siya ang nagsulong o naglagay sa General Appropriations Act ay napunta sa mga kumpanyang may ugnayan sa mambabatas.
Kasama umano sa higit P100 bilyon ang tinatayang P20 bilyon sa ilalim ng 2025 national budget, kung saan napanalunan ng mga kumpanyang konektado kay Gardiola ang mga kontrata hindi lamang sa Batangas kundi sa iba’t ibang lalawigan.
Ibinunyag din ni Legarda ang umano’y P280-milyong proyekto sa Calatagan na na-award sa S-Ang Construction and General Trading Inc., na sinasabing pag-aari ng pamilya Gardiola.
Batay umano sa imbestigasyon ng kanyang tanggapan, umaabot sa P42 bilyon na halaga ng DPWH projects mula 2021 hanggang 2025 ang napunta sa mga kumpanyang may kaugnayan sa mambabatas.
Dahil dito, idinulog ni Legarda ang usapin sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Bagama’t walang natukoy na ghost projects, iginiit niyang overpriced umano nang hanggang tatlong ulit ang ilan sa mga proyekto, bagay na aniya’y dapat imbestigahan dahil mas malaki ang nawawalang pondo sa sobrang taas ng presyo.
(BERNARD TAGUINOD)
107
