BAGSAK na grado ang ibinigay ng Civil Society Organizations sa Asian Development Bank (ADB) sa isinagawa nitong 2025 Policy Review, kasabay ng paggunita sa ika-sampung taon mula nang lagdaan ang Paris Climate Agreement.
Nabatid sa ginanap na press conference nitong Huwebes, Nobyembre 20, 2025, naglabas ng scorecard ang NGO Forum at ang mga kaalyado nitong CSOs. Sinabi ng Forum na “bagsak” ang ADB sa climate leadership, pagprotekta sa karapatang pantao, at pagbibigay makabuluhang partisipasyon sa publiko.
Sinabi ni Marjorie Pamintuan ng Recourse, ikinalulungkot din nito na sa usapin ng ADB Energy Policy review, halos napakaliit ng porsyento ang nakamit ng bansa kung pag-uusapan ang panalo sa usapin ng energy policy dahil halos hindi ito nararamdaman ng bansa.
“Napakaliit na porsyento na masasabi nating panalo ang bansa kapag ang usapin ay energy policy review sa (ADB),” ayon kay Pamintuan.
Ayon pa sa Forum, para sa bansang lubhang vulnerable gaya ng Pilipinas, araw-araw na reyalidad ang krisis sa klima. Nitong 2025, tinatayang apat na milyong pamilya ang naapektuhan at sapilitang lumikas dahil sa Bagyong Ragasa (Super Typhoon Mando) patunay sa kagyat na pangangailangan para sa mas maigting na aksyon sa klima.
Sinabi ni Maya Quirino ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC), mahigpit ang kanilang pagtutol sa mining na siyang sumisira sa ating mga kabundukan at likas na yaman.
“Dapat ‘wag nang pumasok ang ADB sa mapaminsalang mining at hindi nakukunsulta ang ating mga katutubo sa usapin ng pagmimina” sinabi pa Quirino.
Kaugnay nito, idinagdag pa ng grupo na malabnaw ang proseso ng pagsusuri ng ADB at ang mga iminungkahing pagbabago sa EPR, at hindi umano nito napoprotektahan ang mga komunidad na pinakalubhang tinamaan ng epekto ng pagbabago ng klima.
Samantala, kinondena rin ng grupo ang ADB sa umano’y paglabag nito sa sarili nitong Access to Information Policy at pangako sa makabuluhang konsultasyon. Huli na umanong inilabas ang mahahalagang dokumento ukol sa EPR, naging limitado at piling-pili ang konsultasyon at hindi rin isinama nang maayos ang mga isyu at rekomendasyon ng publiko.
(PAOLO SANTOS)
131
