DUMATING sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang Discaya para gisahin sa tax evasion case na isinampa ng BIR laban sa kanila sa halagang P7.1-bilyon.
Ang mga kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya naghain ng kanilang kontra-salaysay sa alegasyon ng BIR na nandaya ito sa kanilang kompanya ng hindi tamang pagbayad ng buwis.
Kinumpirma ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, nagsagawa ng unang preliminary investigation ang panel of prosecutors kung saan kapwa sila nagsumite ng counter o reply affidavit sa inihaing reklamo.
Ayon kay Martinez, personal pumunta sa DOJ ang mag-asawa kahapon ng umaga para magsumite ng kontra-salaysay at pabulaanan ang alegasyong isinampa laban sa kanila.
Magugunitang nagkalap ng ebidensiya ang BIR at naisampa ang opisyal na reklamo noong Oktubre 2025, na nagsasabing aabot sa P7.1 bilyon ang hindi nabayarang buwis ng mag-asawa mula 2018 hanggang 2021.
Iginiit ng BIR hindi umano nabayaran ang personal income tax, pati na rin ang excise tax sa mga luxury vehicle at ang buwis sa paglilipat ng shares ng kanilang apat na kompanya.
Pilit umiwas ang mag-asawa na huwag mapansin ng media para makuyog kaya posibleng sa likod ng gusali sila pinadaan ng DOJ.
(JULIET PACOT)
72
