HINDI papayagan ng sambayanang Pilipino na maisailalim sa house arrest si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Ito ang reaksyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco kasunod ng pahayag ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain na posibleng hilingin nila sa Sandiganbayan na isailalim sa house arrest ang kanyang kliyente.
“Hindi tayo papayag na house arrest o bail, hindi pwede yon sa ilalim ng batas. Non-bailable offense ang plunder. Kapag simpleng barya ang kinuha ng isang tao, diretso kulong. Pero kapag bilyon-bilyon ang pinag-uusapan, biglang magre-request ng house arrest? No way,” ani Tiangco.
Si Co, kasama ang 17 iba pa ay inisyuhan na ng arrest warrant kaugnay ng ghost at substandard projects sa Oriental Mindoro matapos sampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong malversation at graft and corruption.
Kabilang sa kinasuhan ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-B at Sunwest Inc., na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa nasabing lalawigan.
Iginiit ni Tiangco na kung tiwala si Rondain na malinis ang kanyang kliyente, haharapin nito ang kaso sa loob ng kulungan at hindi sa loob ng kanyang bahay.
Tiyak na ikagagalit aniya ng mga Pilipino kapag sa kanyang bahay ikukulong ang dating chairman ng House committee on ways and means na itinuturing utak ng insertions, hindi lamang sa 2025 national budget kundi maging sa pambansang pondo noong 2023 at 2024.
Nagsimulang pamunuan ni Co ang nasabing komite pagkatapos ng eleksyon noong 2022 subalit tinanggal noong Enero 2025 kung saan lumaki umano ang kontratang nakuha ng kanyang itinatag na kumpanyang Sunwest Inc., sa mga nabanggit na mga taon.
(BERNARD TAGUINOD)
126
