BARZAGA SINUSPINDE NG 60 ARAW SA ‘DISORDERLY BEHAVIOR’

PINATAWAN ng 60 araw o dalawang buwang suspensyon na walang sahod at anomang benepisyo si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos mapatunayang guilty sa Ethics complaint na inihain ng kanyang mga dating kapartido sa National Unity Party (NUP) kaugnay ng mga umano’y hindi angkop na social media post.

Sa ulat ni House committee on ethics and privileges vice chair Rep. JC Abalos sa plenaryo kahapon, sinabi nitong napatunayang lumabag si Barzaga sa Section 1(a), Rule 20 ng House Rules; Section 4(c) ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at sa patakaran laban sa “conduct unbecoming” ng isang miyembro ng Kamara.

Inirekomenda ng komite ang 60-araw na suspensyon mula sa pagganap sa tungkulin, kasama ang pagkawala ng sahod at allowances, at binalaan si Barzaga na posibleng mas mabigat na parusa ang ipataw sakaling maulit ang naturang paglabag.

Inatasan din ng komite si Barzaga na burahin sa loob ng 24 oras ang lahat ng social media post na naging basehan ng reklamo, kabilang ang mga larawan umano ng seksing babae, maraming pera, at iba pang content na itinuturing na hindi naaangkop.

Noong Setyembre, nagsampa ng reklamo ang mga kongresista ng NUP laban kay Barzaga dahil sa paglalathala ng umano’y malaswang larawan at sa mga post na pumupuna at umano’y naninirang-puri sa kapwa mambabatas, mga opisyal ng gobyerno, at mga institusyon nang walang sapat na batayan. Pinamumunuan ng NUP ang Antipolo Rep. Ronaldo “Ronnie” Puno.

Ayon kay Abalos, hindi tinanggap ng komite ang depensa ni Barzaga na saklaw ng kanyang freedom of speech ang kontrobersyal na mga post, dahil bilang mambabatas ay obligasyon niyang panatilihin ang dignidad at integridad ng institusyon.

“His action reflected negatively upon the dignity, integrity, and reputation of the House of Representatives as an institution,” ayon kay Abalos.

Matapos ihayag ang rekomendasyon, tumayo si Barzaga at sinabi sa plenaryo na tinatanggap niya ang parusa. Dahil dito, nagmosyon si House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na isalang sa botohan ang committee report.

“With 249 voting in the affirmative, five in the negative, and eleven abstention, the findings and recommendation in Committee Report No. 28 is hereby adopted,” deklarasyon ni Presiding Speaker Ferdinand Hernandez.

(BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment