KULTURA ng payola at talamak na kotong sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) umano ang dahilan kung bakit huminto ang biyahe ng libo-libong jeepney ngayong Martes, Disyembre 9, hanggang sa ika-11.
Ayon sa transport group na Manibela, hindi modernization lang ang problema dahil “kayabangan” at katiwalian sa ahensya ang tunay na nagpapahirap sa mga tsuper.
Sa social media posts ng grupo, mababasa ang: “Walang bumiyaheng Jeep, Paralisado ang NCR!”
Giit nila, minamaliit ang jeepney driver, kahit ito ang bulsa-friendly na masasandalan ng ordinaryong pasahero.
Kalakip ng pahayag ang mga litrato at video ng mga kalsadang halos walang jeep, at pasaherong nag-aabang.
Sabi ni Manibela chair Mar Valbuena, halos isang taon na ang pambubulaga sa mga tsuper tulad ng biglang suspendido ang lisensya, padalus-dalos na demerit, multa na parang hulog ng langit, at payola raw sa ilang tanggapan ng LTO.
Dagdag niya, libo-libong driver ang ‘di makabalik-trabaho dahil sa tagal ng pag-release ng dokumento at renewal ng franchise.
“LTFRB at LTO mismo ang hindi makapaglabas ng dokumento, pero kami ang pinagmumulta. Kung hindi ito pang-aapi, ano na tawag natin dito?” banat ni Valbuena.
Hindi raw sila humihingi ng pamasko kundi hustisya sa matagal na nilang pagtitiis.
“Ang hinihingi namin ay hindi regalo… kundi hustisya at tunay na aksyon. Kung gusto ninyong maging masaya ang Pasko, ayusin ang problema — huwag kaming gawing biktima.”
PNP: Handa kami
Samantala, tiniyak ni Philippine National Police acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez na magde-deploy sila ng sapat na tauhan sa buong bansa habang may strike.
Magbabantay ang mga pulis sa transport hubs, major roads, at mga posibleng siksikan ng stranded commuters. Maglalabas din ng mga patrol vehicles na pwedeng tumulong sa mga pasaherong hirap makahanap ng masasakyan.
“Our personnel will be on the ground… Our goal is to make sure the protest action will be done peacefully and orderly,” ani Nartatez.
(JESSE RUIZ)
91
