HINDI nakaramdam ng excitement ang ilang mambabatas sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na iprayoridad ng Kongreso ang apat na panukalang batas, kabilang ang anti-political dynasty bill, hangga’t hindi niya ito sertipikahan bilang urgent.
Sa magkakahiwalay na pahayag, hinamon nina Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, Kabataan party-list Rep. Renee Co, at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima si Marcos na patunayan ang kanyang sinseridad sa pamamagitan ng paglalagay ng sertipikasyon sa mga panukala.
“The President should show his sincerity. Hindi sapat na ‘i-prioritize’ lang. He should certify these bills as urgent ASAP,” ayon kay Cendaña matapos utusan ni Marcos ang Kongreso sa kanilang LEDAC meeting na bigyang prayoridad ang Anti-Political Dynasty Bill, Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at Citizens’ Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.
Giit ni Cendaña, hindi sapat na ang mga panukalang ito ay mailagay sa listahan ng priority bills, at hindi dapat magmukhang ginagamit lamang ang reform measures para mabawasan ang galit ng publiko sa malawakang katiwalian sa gobyerno.
“Ang politikong gipit, sa pangakong reporma kumakapit. The Palace’s support for these reforms seem more like they’re only trying to save face,” aniya.
Si Co naman ay naghayag na matagal nang isinusulong ang mga panukalang ito ngunit ngayon lamang ito iniutos na bigyang prayoridad, aniya’y dahil mainit ang isyu ng katiwalian sa administrasyon.
“Ano pa man, ebidensya ito na may nagagawa ang galit natin at ang patuloy na pangangalampag sa Malacañang. Pero hindi tayo masasapatan dito,” ani Co, sabay panawagan na lalo pang palakasin ang paniningil sa pananagutan.
Hindi rin kuntento si De Lima, dahil ayon sa kanya, hindi ito sinabayan ng sertipikasyon bilang urgent bill.
“Para bang ang order ng taumbayan ay i-certify ang mga ito as urgent, pero ang inihain sa atin ay PR na priority bills naman daw ang mga ito. Kung totoong ipa-prioritize na lang din, bakit hindi pa itodo at totohanin na?,” pahayag niya.
Giit ni De Lima, patuloy nilang ipapanawagan ang sertipikasyon dahil mahalaga ang agarang pagpasa sa mga panukalang magtataguyod ng pananagutan at pagbawi ng mga umano’y nakaw na pondo.
Nitong Martes, kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na inatasan ni Marcos ang Kongreso na iprayoridad ang Anti-Dynasty Bill at ang panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act.
May ilang panukala na ang nakabinbin sa Senate at House na naglalayong ipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution hinggil sa pagbabawal ng political dynasties.
Dalawang Senate bills para sa IPC ang naglalayong bumuo ng permanente, independent at nonpartisan commission na susuri at magsisiyasat sa lahat ng umano’y anomalya sa government infrastructure projects sa antas pambansa, lokal, at sa mga GOCC.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
105
