LIBU-LIBONG naghahanap ng trabaho ang dumagsa sa SM City Marilao sa isinagawang job fair kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day nitong Mayo 1.
Ang aktibidad ay inorganisa katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) bilang bahagi ng ika-124 na Labor Day, sa ilalim ng temang “Disenteng Trabaho Para sa Lahat: Iisang Hangarin, Bagong Pilipinas Sama-samang Mararating,” kasama ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) at Marilao Municipal PESO.
Aabot sa 2,054 na bakanteng trabaho ang inalok sa mga aplikante mula sa iba’t ibang sektor.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, patuloy na inilalapit ng SM Supermalls, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan, ang mga oportunidad sa trabaho sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga employer at job seekers sa iisang lugar.
Nasa 35 lokal na kumpanya at dalawang overseas employers ang lumahok, na nag-alok ng iba’t ibang posisyon, kabilang ang mga trabaho sa loob ng SM Supermalls.
Nakinabang din ang mga aplikante sa One-Stop Shop kung saan naproseso nila ang mahahalagang dokumento mula sa mga ahensya gaya ng Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon sa DOLE, umabot sa 94 na job fair ang isinagawa sa buong bansa ngayong Labor Day, na nilahukan ng 2,400 lokal at overseas employers at nag-alok ng mahigit 190,000 trabaho.
(ELOISA SILVERIO)
77 