Mas matindi sa kalamidad CORRUPTION BANTA SA DEMOKRASYA

MAS malala umano ang eskandalong bumabalot sa flood control projects kaysa mismong mga kalamidad at ang patuloy na banta ng political dynasties sa demokrasya. Ito ang mariing pahayag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima matapos sabihin ng Malacañang na walang public calamity o emergency na pwedeng gamiting basehan para sertipikahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang reform bills.

“Hindi ba emergency itong biggest corruption scandal sa kasaysayan? At hindi rin ba emergency na ang pagkasira at patuloy na banta sa ating demokrasya dahil sa political dynasties?” tanong ni De Lima.

Giit ng kongresista, tila pinalalabas ng Malacañang na wala namang kondisyon para ideklarang urgent ang mga reporma tulad ng Anti-Political Dynasty bill, Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at CADENA Act.

Para kay De Lima, mas malaki at mas delikado ang epekto ng lumalalang katiwalian, partikular sa flood control projects na tinawag niyang “pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng bansa.”
“Hindi ito tungkol lang sa bagyo, lindol, baha o gyera. Klaro sa mga desisyon ng Supreme Court ang legislative practice—kung paano tinatanggap ng Kongreso ang sertipikasyon ng Pangulo,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi kailangan ng aktuwal na kalamidad para masertipikahang urgent ang mga panukala.

NAIA Modernization Kaya Sana

Samantala, iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na kayang pondohan ng gobyerno ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung hindi umano nauwi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ang pondo para sa flood control projects.
Kasabay ng imbestigasyon sa NAIA privatization na nagresulta sa pagtaas ng parking fees, terminal rentals, terminal fees, at iba pang singil, sinabi ni Tinio na P150 billion lang ang ipapasok na puhunan ng San Miguel Corporation–SAP & Company Consortium sa loob ng anim na taon.
“So mga P20-plus billion per year na investment. Hindi ba kayang gawin ‘yun ng gobyerno? Magkano ang investment per year sa flood control projects?” tanong niya.
Mula 2022, umabot na sa P1.4 trillion ang ginastos para sa flood control na “ninakaw lamang,” na kung ginamit sana para sa NAIA modernization, hindi na kailangang ibigay sa pribadong sektor.
“I mean, kung gusto kaya. Kaya lang ang gusto, ibigay kay Ramon Ang para kumita si Ramon Ang, di ba?” dagdag pa ni Tinio.
Masaklap pa umano na agad nagtaas ng singil ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), subsidiary ng SMC–SAP Consortium, kahit bagong upo pa lamang at wala pang konkretong proyekto para pagaanin ang biyahe ng mga pasahero.
Nag-aalala si Tinio na posibleng mas tumaas pa ang mga singil dahil 15 taon ang kontrata ng SMC na maaari pang palawigin ng karagdagang 10 taon.

66

Related posts

Leave a Comment