MATAGUMPAY ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos isilbi ang search warrant sa condo ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Taguig City nitong Huwebes.
Pinangunahan ng NBI–Organized and Transnational Crime Division ang pagsasagawa ng search kung saan nakakuha ang mga ahente ng mga dokumentong itinuturing na posibleng mahalagang ebidensya. Inilabas ang mga dokumento mula sa tatlong vault na binuksan ng mga operatiba.
Nakatakda nang isauli ang warrant sa korte na nag-isyu nito para sa kaukulang legal na aksyon.
Tumanggi munang ilahad ni NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari ang nilalaman ng mga dokumento. Sinabi niya na ang mga ito ay pagdadaanan pa ng validation at cross-reference sa mga pahayag ng mga testigo upang matukoy kung magagamit bilang basehan sa posibleng pag-file ng kaso.
“Hindi naman tayo agad-agad naniniwala, dapat dumaan sa masusing pag-evaluate — kung itinanim lang o tunay ang presensya ng mga dokumento sa lugar,” ani Mallari.
(JOCELYN DOMENDEN)
112
