INIHAIN ni Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel Benitez ang House Bill No. 6761 na layong ma-institutionalize ang bukas at may pananagutang proseso ng pambansang budget sa pamamagitan ng paglikha ng “Government Hub for Information and Verified Expenditures (G-HIVE).
Ipag-uutos ng panukala ang konsolidasyon ng lahat ng mga dokumento ng pambansang budget, kabilang ang pagpaplano, pagsasabatas, pagsasagawa, pagbili at pag-audit ng mga rekord sa isang solo, secure, at bukas sa publiko na digital portal, pati na ang pagtugon sa mga puwang sa publikasyon, accessibility, at traceability ng mga impormasyon na kasalukuyang humahadlang sa pangangasiwa at paghina ng tiwala ng publiko.
Inaatasan din nito ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na i-upload ang lahat ng gastusing may kaugnayan sa mga dokumento sa loob ng pitong araw na makumpleto, gamit ang istruktura, nababasa ng makina na mga format, gamit ang teknolohiyang hindi mapapakialaman para matiyak na tunay at hindi mamamanipula.
Magtatatag din ito ng malinaw na pamamahala at pangangasiwa sa pamamagitan ng National Budget Transparency at Accountability Council, kabilang ang kinatawan mula sa pamahalaan, civil society, media, at pribadong sektor at imo-monitor din ng Konseho ang pagsunod, pagtupad sa pamantayan, at pagrekomenta sa pagpapabuti sa bukas na mekanismo sa buong pambansang pamahalaan.
Ang G-HIVE ang magi-interface sa mga kasalukuyang sistema ng pananalapi at pagbili, at magbibigay ng beripikadong audit trail na nag-uugnay sa bawa’t yugto ng budget at ang unti-unting pagpapatupad ay magtitiyak ng kahandaan simula sa pagsisiwalat sa antas ng ahensiya at pagusad sa ganap na pagpapatibay sa buong pamahalaan sa loob ng tatlong taon.
Ito ang magsisilbing katapat ng Senate Bill No. 1506 o ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act (CADENA Act) na inihain ni Senator Bam Aquino na nais ma-prioritize ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nagpapanukala rin ng unified at tamper-resistant digital system para sa full disclosure ng transaksiyong pinansiyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Rep. Benitez na ang panukalang batas ang magpapalakas ng transparency infrastructure, magtataguyod sa karapatan ng publiko sa impormasyon, at titiyak sa epektibong kapanagutan sa paggamit ng pambansang yaman.
(CHAI JULIAN)
87
