50% BAWAS SA SURGE PRICING POSIBLENG MAGPAHINA SA TNVS AVAILABILITY NGAYONG HOLIDAYS

SUSUNDIN ng Grab Philippines ang utos ng gobyerno na pansamantalang bawasan ng 50 percent ang surge pricing sa Transport Network Vehicle Service (TNVS), pero nagbabala ang kumpanya na maaari itong makaapekto sa kita ng mga driver at sa availability ng biyahe sa gitna ng dagsa ng pasahero ngayong holiday season.

“Grab has always been a partner of the government, and we share its commitment to easing the daily burdens of our kababayan. It is in this spirit that we respect and accept the recent DOTr–LTFRB decision to temporarily reduce surge prices by 50%,” pahayag ng Grab nitong Biyernes.

Gayunman, binigyang-diin ng kumpanya na bagama’t makapagbibigay ng panandaliang ginhawa sa pamasahe, maaari namang mailipat ang bigat sa mga driver na humaharap sa mas mahabang biyahe, mas mabigat na trapiko, at mas mataas na gastos sa gasolina tuwing peak holiday period.

“It is important to emphasize that surge pricing helps ensure driver availability during peak hours, bad weather, and high-demand periods. A significant reduction in surge fees may discourage drivers from going online when they are needed most, ultimately affecting service reliability for commuters,” ayon sa Grab.

Ang pahayag ay kasunod ng paglalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular No. 2025-056 na nag-uutos sa lahat ng accredited transport network companies na bawasan ang surge pricing sa buong bansa mula Disyembre 17, 2025 hanggang Enero 4, 2026.

Sa ilalim ng circular, kailangang i-reconfigure ng mga TNC ang kanilang fare algorithms upang hindi lumampas ang surge pricing sa pinagsamang per-kilometer at per-minute rates na itinakda sa MC 2019-036. Ayon sa LTFRB, tugon ito sa dumaraming reklamo ng mga commuter kaugnay ng matataas na pamasahe tuwing masamang panahon, rush hour, at panahon ng mataas na demand.

Nangako rin ang LTFRB ng mga compensatory adjustments para matugunan ang posibleng pagkalugi ng mga driver, kabilang ang dagdag bayad sa pickup time at pagtaas ng time-based charges upang isaalang-alang ang holiday traffic.

Kinilala ng Grab ang pagtaas ng demand sa TNVS ngunit iginiit na ang mga kondisyong ito rin ang dahilan kung bakit kailangan ng sapat na kompensasyon ang mga driver-partner.

“We hope to ensure that the policy’s implementation does not unintentionally shift the burden from riders to our drivers, who deserve fair compensation for the extra time, effort, and fuel required to navigate holiday congestion and safely serve the riding public,” saad ng kumpanya.

Dagdag pa ng Grab, mahalaga ang surge pricing upang mahikayat ang mga driver na pumasada sa oras ng matinding demand, na sa huli ay nakikinabang ang mga commuter sa mas maaasahang serbisyo.

“Ultimately, the most sustainable solution to our transportation challenges is the continued development of a strong, efficient, and reliable mass transport system. Grab fully supports the government’s long-term efforts to improve public transportation infrastructure, and we believe TNVS services are most effective when they complement—rather than replace—efficient and affordable mass transit options,” ayon sa Grab.

Sa kabila ng mga pangamba, tiniyak ng kumpanya ang buong pakikipagtulungan nito sa LTFRB at ang patuloy na pangakong protektahan ang kapakanan ng mga pasahero at kabuhayan ng mga driver.

Inatasan ang mga TNC na magsumite ng detalyadong compliance report, kabilang ang lumang at binagong fare algorithms at screenshots ng capped fares, bago o sa Disyembre 17. Ang hindi susunod ay hindi papayagang magpatupad ng surge pricing, habang ang lalabag ay maaaring patawan ng multa, suspensyon, o kanselasyon ng akreditasyon.

(CHAI JULIAN)

73

Related posts

Leave a Comment