UMIINIT ang bangayan nina Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio matapos resbakan ng una ang militanteng mambabatas na kumuwestiyon sa kanyang pag-iikot sa 17 bansa.
“Tinio, ano ba talaga ang ipinaglalaban mo? Kasi sa nakikita ng tao, hindi prinsipyo ang hawak mo kundi script na iniabot sa’yo,” pahayag ni Duterte, kung saan inakusahan niya si Tinio ng pagbubulag-bulagan umano sa mga katiwalian ng administrasyong Marcos habang mariing binabatikos ang pamilyang Duterte.
Tinanong din ni Duterte kung si Tinio umano ang nakaatas na manguna sa pag-atake laban sa mga Duterte, at iginiit na tila pinagkakakitaan umano ito ng grupo ng mga militanteng mambabatas. Ayon pa sa kanya, maging sa mga rally laban sa katiwalian ay ang kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte ang nais panagutin.
“At noong nag-rally kayo, si VP Inday pa rin ang gusto ninyong panagutin kahit wala siyang kinalaman sa flood control scandal? Masyado naman kayong halata. Galingan ninyo naman. Baka pagkamatay ni Magellan, Duterte pa rin ang sisihin ninyo,” ani Duterte.
Hindi naman pinalagpas ni Tinio ang mga pahayag ni Duterte, na tinawag niyang paulit-ulit at mistulang “sirang plaka,” dahil umano sa palagiang pagpapalabas na ang pamilya Duterte lamang ang tinututukan sa mga imbestigasyon sa katiwalian.
“Parang sirang plaka, iyong persecution syndrome. Kung ayaw niya ng Google, pwede namang ChatGPT. Congressman Duterte can very well confirm that he is not being singled out, and we have pushed for investigations of both Marcos and Duterte for various corruption issues,” pahayag ni Tinio.
Pinayuhan din ng mambabatas si Duterte na basahin ang mga resolusyong inihain nila sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nananawagan ng imbestigasyon sa umano’y malawakang katiwalian, hindi lamang sa administrasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte kundi maging sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Please check our recent House resolutions and ICI submissions that are all publicly available,” ani Tinio, na iginiit na inililihis umano ng Davao City solon ang usapin hinggil sa mga iregularidad sa mga proyekto sa kanyang distrito.
(BERNARD TAGUINOD)
88
