BISTADOR ni RUDY SIM
ILANG araw na lang at muling ipagdiriwang ng mas maraming pamilyang Kristiyano ang kapanganakan ni Hesus, sa dalawang sitwasyon ng mga taong may kaya sa buhay at sa mga dukhang may kaunting handa sa Pasko na pagkakasyahin ang limandaang piso.
Lahat ng halos mga Pilipino ay nakaranas mula sa kabataan, na makatanggap ng pamasko at ang buong pamilya ay magkakasama sa Noche Buena hanggang sa pagdiriwang ng pagsalubong sa papasok na Bagong Taon.
Dahil ang ating bansa ngayon ay dumaraan sa matinding krisis ng kahirapan dahil sa walang tigil na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay halos hindi na maramdaman ang dating nagniningning na dekorasyon sa bawat kabahayan.
Ang sitwasyon ngayon sa bansa na tila walang pakialam ang gobyerno para maibsan ang kahirapan ng ating mga kababayan, dahil sa mas inuuna munang bigyan prayoridad ang mga kalaban nila sa pulitika kaysa mga magnanakaw ng bilyones na pera ng bayan at pagsasamantala ng ilang opisyales at tauhan ng gobyerno, ay ika nga ni PBBM, ay isa nang kanser.
Marami ang nagtatanong sa akin kamakailan, kung bakit daw ang laging puntirya ng ating kolum ay ang Bureau of Immigration, kaya nga BI-stador… Hindi po, joke lang… Ang BI ay halos hindi pansinin ng publiko dahil wala naman talagang ninanakaw rito na pera sa kabang yaman, kundi ang pagsasamantala ng iilang kawani ng ahensiya sa kanilang posisyon.
Sa pagpasok ng 2026 ay madaragdagan na rin kung ilang taon na akong nagsusulat sa mga nangyayari sa BI, 34 years na rin na parang kailan lamang na halos naging tahanan ko ang ahensyang ito mula sa panahon ni dating acting Davao City Mayor Zafiro Respicio, na inilagay sa puwesto ni dating Pangulong Cory Aquino at pumalit si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na una nang maging Vice Mayor ni Respicio.
Dito ko unang nakita kung gaano kalala ang korupsyon sa BI kung saan ay naroon ako mismo sa tanggapan ni Respicio nang ipinagdiwang nito ang kanyang kaarawan, at isang mataas na opisyal ng DOJ ang nagpapirma sa kanya ng isang folder ng deportation ng 11 Indians na nahuli noon ng NBI na gumagawa ng isang klase ng ilegal na droga, ang Madrax.
Pumutok ang naturang ilegal na deportation na hindi dapat dahil may kinahaharap pa na kaso ang mga dayuhan… Maraming nakasuhan dito at nasibak sa puwesto kabilang na si Respicio, at hanggang sa kanyang pakikipaglaban sa kaso ng maraming taon ay ito na rin ang kanyang kinamatayan pero ang totoong may sala ay lusot sa kaso.
Ngayong may kinahaharap muli ang BI na kontrobersiya kaugnay sa pananamantala ng dalawang abogadong opisyal dito na sina alias “Yogi Bear” at “Atty. Home Alone”, ay aabangan natin kung sila ba ay hindi na magbabago o hindi na talaga magbabago… Mula sa katakawan sa laman at pera ay tila walang pakialam ang dalawang ito na kahit na ibinisto na natin ang kanilang raket ay patuloy pa rin umano ang kanilang sindikato.
Kasabwat ang isang di-umano’y alias “Mark” mula sa central receiving unit, ay namamataan itong nag-special delivery ng color coded folders ng kanilang kaperahan, sa dating opisina ni Yogi Bear sa Legal na Division para roon ba iproseso ang kanilang pagkakaperahan? Alam kaya nitong si Yogi Bear ang pang 7-8 na nasa 10 Commandments, ang “Wag kang magnanakaw” at “Wag kang bumembang ng ‘di mo asawa?”
Maligayang Kapaskuhan sa lahat…
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
180
