OFW SA SAUDI HUMIHINGI NG AGARANG SAKLOLO DAHIL SA PANG-AABUSO

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG overseas Filipino worker (OFW) na si Nimfa Domingo, 35-taong gulang, mula sa Santa Rosa, Laguna at nagtatrabaho bilang housemaid sa Al Khubar, Saudi Arabia, ang humihingi ng agarang tulong mula sa mga kinauukulan matapos umanong makaranas ng pang-aabuso mula sa kanyang employer.

Si Domingo ay dumating sa Saudi Arabia noong Setyembre 17, 2025 at kasalukuyang nasa ilalim ng employer na si Meshal Arshad A. Alsaleh.

Ayon sa salaysay ng OFW, siya ay madalas sigawan nang walang sapat na dahilan, hindi binibigyan ng sapat na pagkain, at ikinulong sa isang silid sa loob ng apat na araw. Dahil dito, lubha umanong naapektuhan ang kanyang kalusugang pangkaisipan, at patuloy ang kanyang pangamba para sa sariling kaligtasan at kapakanan.

Ang lokal na ahensyang nagproseso ng kanyang deployment ay ang Billboard Promotion, Inc., habang ang foreign agency naman ay ang Dar Alnokba Recruiting Office.

Dahil sa mga pangyayaring ito, nananawagan si Domingo ng agarang repatriation o pagbabago ng employer upang maiwasan ang patuloy na panganib na kanyang kinahaharap.

Ang sumbong na ito ni OFW Nimfa ay agad natin ipinaalam kay Atty. Sherelyn Malonzo ng OWWA, para sa mabilisang pakikipag-ugnayan sa kanyang ahensya at sa MWO-OWWA sa Saudi Arabia.

Muling paalala sa lahat ng mga OFW na huwag matakot magsumbong at agad na lumapit sa mga awtoridad kapag may banta sa inyong karapatan at kaligtasan. Ang bawat Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ay may karapatang igalang at protektahan.

243

Related posts

Leave a Comment