WALANG balak ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na suspindihin ang kanilang operasyon sa kabila ng idineklarang unilateral yuletide ceasefire ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon sa DND at AFP, tuloy-tuloy ang mandato ng militar at mananatili ang kanilang close coordination sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang mapayapa at maayos na holiday season.
“The CPP statement should be taken as it is — a sad propaganda stunt of a terrorist organization,” ani DND Spokesperson Assistant Secretary Arsenio R. Andolong.
Nilinaw ni Andolong na ang tungkulin ng militar ay hindi napapailalim sa “pause” o panahon ng selebrasyon. Aniya, patuloy na susuportahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ngayong kapaskuhan.
Sa halip na tigil-putukan, muling hinikayat ni Andolong ang mga nalalabing kasapi ng New People’s Army (NPA) na talikuran ang karahasan at maling ideolohiya at tahakin ang tunay na landas tungo sa pangmatagalang kapayapaan.
Pahayag naman ni AFP spokesperson Col. Francel Margaret Padilla, nananatiling nakatuon ang hukbong sandatahan sa kanilang konstitusyonal na mandato.
“The Armed Forces of the Philippines remains focused on the uninterrupted performance of its constitutional mandate to protect the people and secure communities nationwide,” ani Padilla.
“Military responsibilities are continuous.”
Tiniyak ng AFP na habang nagdiriwang ang mga pamilyang Pilipino ngayong Pasko at Bagong Taon, mananatiling naka-duty ang mga sundalo, sailors, airmen at marines upang tiyakin ang ligtas at mapayapang yuletide season.
Kahapon, nagdeklara ang central committee ng CPP ng unilateral ceasefire para sa Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon. Ayon sa grupo, epektibo ang tigil-putukan mula Disyembre 25 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 26, at mula Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 1.
Sinabi ni CPP information officer Marco Valbuena na inatasan ang NPA na magpatupad ng apat na araw na “active defense mode” at “high alert” laban sa umano’y ground at aerial attacks ng AFP.
Dagdag pa ni Valbuena, ang pansamantalang tigil-putukan ay bilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa simpleng pagdiriwang ng holidays at bahagi rin ng paggunita sa ika-57 anibersaryo ng CPP sa Disyembre 26.
Sa kabila nito, nanindigan ang DND at AFP na walang pagbabago sa kanilang operasyon laban sa mga armadong grupo ngayong kapaskuhan.
(JESSE RUIZ)
83
