RISA, ROMUALDEZ SUPPORTERS TUMITINDI ATAKE KAY TOBY TIANGCO SA SOCIAL MEDIA

PINAIGTING ng mga tagasuporta ni Senador Risa Hontiveros at Leyte Rep. Martin Romualdez ang pag-atake laban kay Navotas Rep. Toby Tiangco, sa pagsasabing wala siyang moral na posisyon para magsalita laban sa korapsyon at binansagan pa bilang traydor.

Sa isang post sa social media, hinamon ni Jam Magno, isang kilalang tagasuporta ni Rep. Romualdez at endorser ng Tingog Partylist, si Tiangco na patunayan ang kanyang mga pahayag at ipinagtanggol ang rekord ng mga inisyatibang sinuportahan ni Romualdez.

Kinuwestiyon din niya kung may maipapakitang kaparehong programa ang Navotas, sa pagsasabing nananatiling problema ng siyudad ang pagbaha kahit sa katamtamang pag-ulan.

“Always prove your stand with proof! Always make sure you stand by your decision to support someone. So here it is Toby. Can Navotas boast of the same things?” ani Magno sa Facebook.

“You could never relate kay bisan normal na ulan mulutaw baya mo dihang dapita,” dagdag pa niya habang ibinabahagi ang mga video ng flood control projects sa Leyte at ikinumpara ang mga ito sa mga proyekto sa Navotas.

Ginisa naman ng abogado at political commentator na si Jesus Falcis, isang masugid na tagasuporta ni Hontiveros, si Tiangco ukol sa gastusin sa flood control ng mambabatas sa Navotas.

Ayon sa kanya, iniulat na tumatanggap ang lungsod ng pondo para sa flood control sa loob ng mahigit 15 taon at muling nagmumungkahi ng P4.2 bilyong alokasyon para sa 2026.

“15 years na palang may flood control budget si Toby Tiangco sa Navotas Tapos sa 2026 may proposed 4.2 Billion budget ulet for flood control. May 15 kilometers daw kasi of streams and rivers,” diin ni Falcis.

“Yung coastal dike along the 15 kilometers, hindi daw mapapakinabangan hanggang hindi tapos na tapos. So kelangan ng budget every year. Eh di wow… wow mali!” dagdag pa niya.

Kinatigan din ng mga tagasuporta nina Magno at Falcis ang pag-atake laban kay Tiangco, na binansagan nilang traydor at Trojan horse ni Vice President Sara Duterte.

“Kung tunay kang galit sa corruption, bakit tahimik ka sa Confidential Funds ni Sara? Kung prinsipyo ang usapan, bakit kay Martin lang may tapang?” ayon sa Facebook page na JIL Review TV sa isang post.

Inakusahan din ng mga grupo si Tiangco na sinabotahe ang tsansa ng mga senatorial candidate ng administrasyon sa halalan sa 2025.

Samantala, sinabi ng Facebook group na Filipinos for Good Governance na wala umanong moral na batayan si Tiangco para magsalita laban sa korapsyon, at inakusahan siyang sangkot din sa mga anomalya sa badyet noong nakaraang administrasyon.

(E GENUINO)

91

Related posts

Leave a Comment