NATIONAL SECURITY THREAT SA KASO NI JOSEPH SY, HINDI NAPATUNAYAN SA SENATE PROBE

WALANG napatunayang banta sa pambansang seguridad kaugnay ng kaso ng mining executive na si Joseph Sy, sa pagdinig ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee.

Ito ay makaraang kumpirmahin ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na ang isyu laban kay Sy ay may kinalaman sa mga usaping legal at citizenship, at hindi sa seguridad ng bansa.

Sa pagdinig na ginanap noong Lunes, Disyembre 15, sinabi ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na nagsagawa sila ng imbestigasyon at monitoring sa kaso ni Sy. Gayunman, wala umanong natuklasang matibay na ebidensiya na mag-uugnay sa kanya sa espionage o iba pang ilegal na gawain. Nabanggit din ng ahensya na ang mga naunang kasong isinampa laban kay Sy ay naibasura na.

Pinagtibay ito ng National Security Council (NSC), na nagsabing sa kasalukuyan ay hindi nila itinuturing na isyu ng pambansang seguridad ang naturang kaso.

Tinalakay rin sa pagdinig ang naging papel ni Sy bilang miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary. Nilinaw ng Philippine Coast Guard na ang kanyang pagiging miyembro, na nagsimula noong Hulyo 26, 2018, ay boluntaryo at sibilyan lamang, at nakatuon sa pagtulong sa panahon ng kalamidad. Wala rin umanong access ang mga auxiliary members sa classified information o sa mga operasyong may kinalaman sa pambansang seguridad.

Kalaunan ay tinanggal umano si Sy sa talaan ng Coast Guard Auxiliary, kasama ang iba pa, nang magsimulang umusad ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Bagama’t walang nakikitang banta sa pambansang seguridad batay sa paglilinaw ng mga nasabing ahensya, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Bureau of Immigration hinggil sa citizenship ni Sy.

Sa pahayag na isinumite niya sa Senado, ipinaliwanag ni Sy ang mga pangyayari kaugnay ng kanyang pagkakaaresto at ang kasalukuyang estado ng kanyang mga kaso. Iginiit din niya ang kanyang karapatang manahimik sa pagdinig, dahil ang imbestigasyon ng Senado ay may kaugnayan sa mga kasong isinampa laban sa kanya sa Bureau of Immigration, at anumang pahayag ay maaari umanong magamit sa nakabinbing kasong deportasyon laban sa kanya.

Ayon sa legal team ni Sy, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Immigration sa usapin ng kanyang citizenship sa kabila ng mga naunang desisyon ng korte, at anomang susunod na hakbang ay isasagawa alinsunod sa tamang proseso ng batas.

(DANNY BACOLOD)

92

Related posts

Leave a Comment