MAY initial agreement na maaaring magamit ng mga motorista ang 1.3-km Bucana Bridge araw-araw mula 6 a.m. hanggang 5 p.m., ayon sa Malacañang.
“At ang sinasabi po dito, ang initial agreement ay maaari pong buksan, passable ang two lanes at maaari pong magamit sa umaga – 6 a.m. hanggang 5pm,” pahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ang pahayag ni Castro ay tugon sa pagpuna ni Acting Davao City Mayor Sebastian Duterte sa napaulat na “premature” opening ng Davao City Coastal Road Segment B nitong Lunes. Ayon kay Duterte, may public safety concerns, kabilang ang kakulangan sa street lights, traffic signs, at iba pang safety measures.
Binigyang-diin ni Castro ang kahalagahan ng kooperasyon ng local government unit (LGU) ng Davao City upang maging maayos ang daloy ng trapiko at kaligtasan.
“Ang kinakailangan lamang din po natin ay ang kooperasyon mismo ng LGU ng Davao City para po maging maayos po ang pagdaloy ng trapiko,” aniya.
Nauna rito, ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bucana Bridge noong Disyembre 4, at binuksan sa mga motorista noong Disyembre 15 upang mapagaan ang matinding trapiko, lalo na ngayong holiday season.
Ang Bucana Bridge ay bahagi ng mas pinalaking Davao City Bypass Project, na inaasahang magbabawas ng travel time mula dalawang oras hanggang 20–25 minuto kapag ganap nang operational. Pinondohan ng Chinese grant, ang 480-meter bridge sa Bucana area ay nakatakdang maging pangunahing proyekto para sa traffic decongestion sa lungsod.
(CHRISTIAN DALE)
136 