TARGET ni KA REX CAYANONG
SA isang panahong madalas mas napapansin ang maiingay kaysa mahusay, may mga lingkod-bayan na mas pinipiling magsalita sa pamamagitan ng gawa.
Isa si Engr. Ronnel Tan, Regional Director ng DPWH Ilocos Region, sa mga patunay na ang tunay na liderato ay hindi kailangang ipagsigawan. Ito’y nakikita, nararamdaman, at napakikinabangan.
Ang sunod-sunod na pagkilala sa DPWH Ilocos Region bilang Most Outstanding Regional Office ay hindi bunga ng pagkakataon.
Ito ay resulta ng disiplinadong pamumuno, malinaw na direksyon, at matibay na paninindigan laban sa mediocrity.
Sa ilalim ng kanyang liderato, ang ahensya ay hindi lamang nagtayo ng mga kalsada at tulay. Nagtayo ito ng tiwala ng publiko.
Mula pa sa kanyang mga unang taon bilang DPWH Model Employee hanggang sa pagiging Best District Engineer at pagkilala ng Civil Service Commission sa gitna ng pandemya, malinaw ang husay at integridad.
Ang mga parangal na nabanggit ay hindi lamang palamuti sa opisina, kundi patunay ng serbisyong may malasakit at direksyon.
Hindi rin matatawaran ang kanyang propesyonal na kredibilidad.
Kinilala siya sa loob at labas ng bansa, pinarangalan ng mga institusyong ASEAN, at iginawad ang mga titulong bihirang makamit kung walang malalim na ambag sa propesyon.
Ngunit sa kabila nito, nananatiling nakaugat ang kanyang pamumuno sa prinsipyo ng pagiging lingkod, hindi boss.
Sa panahon na hinahanap ng bayan ang mga lider na may kakayahan at konsensya, si Engr. Ronnel Tan ay paalala na may mga opisyal pa ring ang sukatan ng tagumpay ay hindi dami ng kamera, kundi tibay ng pundasyong iniwan para sa susunod na henerasyon.
Kaya idol siya ng iba pang mga lider sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mabuhay po kayo, bossing, at God bless!
80 