RAPIDO ni PATRICK TULFO
HINDI na nahintay ng Bureau of Customs ang Department of Migrant Workers na ilabas ang natitirang abandonadong balikbayan boxes.
Stressed na ang mga OFW sa pagkakaloko sa kanila ng pamunuan ng Makati Express Cargo at Tag Cargo, nadagdagan pa ang stress nila sa DMW na tila wala nang ginagawa upang tulungan silang makuha ang kanilang mga bagahe.
Matatandaang bibong-bibo itong DMW nang ilabas nila sa Davao Port ang mga container at i-deliver sa mga may-ari nito, pero ito ay habang dinidinig ng Kongreso ang kanilang budget. Matapos ang budget hearing ng kanilang departamento ay tila nanahimik na bigla itong DMW at ‘di na nagbigay ng update sa natitirang mga container na inabandona ng Tag Cargo. Sabi nga ng ilang OFW, dalawang beses umano silang naabandona, una ng cargo company, ngayon pati itong DMW.
Hindi ko masisisi ang mga OFW, ilang taon na ang nakalipas nang sikapin nilang mapuno ang mga kahong ipinadala papuntang Pilipinas, na hindi naman nakarating sa kanilang pamilya.
Kaya itong BOC ay nagdesisyon nang i-bypass na lang ang DMW upang mailabas na ang mga container. Naririndi na rin siguro sila sa kaliwa’t kanang reklamong natatanggap nila mula sa mga OFW na desperado nang makuha ang kanilang mga kahon.
Bago dumating ang kapaskuhan ay maglalabas ang BOC ng ilang container upang i-deliver ng Door to Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) ang mga abandonadong kahon sa mga may-ari nito.
Nauna na nating pinuna ang pagbigay kay Asst. Commissioner Michael Fermin ng kontrol sa mga balikbayan box, at sinabi natin ang ating mga agam-agam na baka ito’y magaya lang sa nawalang mga kahong ipinadala sa Allwin Cargo. Ito ay matapos na ibigay ni Fermin sa Association of Bidders at Bureau of Customs (ABBC) sa pangunguna ni Robert Uy, ang mga balikbayan box at hindi idineliber bagkus ay pina-pick up sa mga may-ari. Karamihan sa mga kahon ay nagkawalaan.
Masaya akong DDCAP na ang inatasang mag-deliver ng mga kahon dahil tiyak na makararating ang mga ito kahit saan sulok man ng bansa, hindi tulad kung pick up na hindi kayang puntahan ng mga nasa malalayong probinsya
Patuloy pa rin tayong tututok sa reklamong ito hanggang sa matapos ang problema ng mga OFW sa kanilang mga balikbayan box.
126 