VILLAR PANAGUTIN PA RIN SA PALPAK NA PRIMEWATER

HINDI umano dapat absuweltuhin ang pamilyang Villar sa mga pananagutan nito sa mga consumer ng PrimeWater kahit pa ibinenta na nila ang kumpanya sa gitna ng mga reklamo hinggil sa mataas na singil at palpak na serbisyo.

Ito ang iginiit ni dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos mabatid na ibinenta ng mga Villar ang PrimeWater sa grupo ng business tycoon na si Lucio Co, habang patuloy ang imbestigasyon ng Senado laban sa naturang water utility firm.

“The Villars cannot simply wash their hands clean by selling PrimeWater. They must be held accountable for the years of dirty water, exorbitant rates, and abysmal service that communities endured under their watch. This sale should not be a get-out-of-jail-free card,” ani Zarate.

Ayon sa dating mambabatas, may duda siya na ibinenta ang PrimeWater upang makaiwas sa pananagutan, lalo na’t bukod sa Senate probe ay matindi na umano ang galit ng mga apektadong consumer.

Giit pa ni Zarate, ilang taon nang palpak ang serbisyo ng PrimeWater, na nagdulot ng matinding paghihirap sa mga residente sa iba’t ibang lugar, kaya’t hindi dapat mawala ang pananagutan ng mga dating may-ari kahit pa nailipat na ang kumpanya.

“Hinihiling namin ang isang komprehensibong audit sa pamamahala ng mga Villar sa PrimeWater. Magkano ang kinita nila habang substandard ang serbisyong ibinibigay? Bakit pinilit ang mga komunidad na tiisin ang maruming tubig at hindi regular na suplay sa loob ng maraming taon? Ang mga tanong na ito ay dapat sagutin, may bentahan man o wala,” dagdag ni Zarate.

Kabilang umano sa labis na naapektuhan ng serbisyo ng PrimeWater ang mga residente ng San Jose del Monte City, Bulacan, kung saan nananawagan ang mga consumer na ipawalang-bisa ang joint venture agreement ng kumpanya sa lokal na water district.

Nagbabala rin si Zarate sa Lucio Co Group na huwag ipagpatuloy ang umano’y palpak na serbisyo at mataas na singil na iniuugnay sa dating pamunuan ng PrimeWater.

“The Co Group may have deep pockets and business acumen, but we must ensure they do not repeat the same mistakes. We will continue to demand the return of water services to public hands where they belong,” ani Zarate.

(BERNARD TAGUINOD)

93

Related posts

Leave a Comment