TNVS COMMUNITY PH NAGPASALAMAT SA LTFRB MATAPOS PAGBIGYAN SA HILING SA SURGE CUT

MANILA — Nagpasalamat ang TNVS Community Philippines (TCP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos pagbigyan ng ahensya ang kanilang hiling kaugnay ng ipinatutupad na surge pricing cut para sa transport network vehicle services (TNVS).

Sa inilabas na pahayag ngayong araw sa pamamagitan ng spokesperson na si Lisza Redulla, sinabi ng TCP na positibong hakbang ang naging desisyon ng LTFRB na i-defer ang implementasyon ng surge pricing cap at magpatupad ng “compensatory adjustment” sa pick-up fares, bilang tugon sa mga alalahanin ng mga TNVS driver lalo na ngayong holiday season.

Bilang tugon aniya ng ahensya sa kanilang posisyon ukol sa surge cut, magpapatupad ang ahensya ng compensatory adjustment sa pick-up fares mula December 20 hanggang January 4 sa susunod na taon.

Ayon sa grupo, malaking ginhawa ang hakbang para sa mga driver na nahaharap sa matinding trapiko, mas mahabang oras ng biyahe, at tumataas na gastusin sa operasyon. Anila, ang surge pricing ay mahalagang bahagi ng fare structure ng TNVS at nagsisilbing mekanismo upang maipantay ang kita ng mga driver sa panahon ng mataas na demand.

Iginiit ng TCP na ang pagbawas sa surge pricing nang walang sapat na alternatibo ay maaaring magresulta sa pagbaba ng kita ng mga driver at kakulangan ng available na sasakyan para sa mga pasahero, lalo na sa oras ng peak demand.

Bagamat pinasalamatan ang LTFRB sa pagdinig sa kanilang hinaing, sinabi ng grupo na hindi pa dito nagtatapos ang kanilang adbokasiya. Ayon sa TCP, patuloy silang makikipagdayalogo sa mga regulator upang isulong ang mga patakarang magtitiyak ng patas na kita para sa mga driver at balanseng pamasahe para sa mga pasahero.

Inaasahan namang ipatutupad ang mga adjustment sa itinakdang panahon habang patuloy na minomonitor ng LTFRB ang epekto ng mga hakbang sa TNVS industry at sa commuting public.

(DANNY BACOLOD)

95

Related posts

Leave a Comment