(BERNARD TAGUINOD)
BINANATAN ni Kamanggagawa party-list Rep. Ei San Fernando ang inanunsyong Emergency Loan Program ng Social Security System (SSS), sabay sabing “niluluto sa sariling mantika” ang mga manggagawang gipit.
Reaksyon ito ng mambabatas sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaari nang umutang ng hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong SSS member sa ilalim ng emergency loan na may 7 porsiyentong interes.
Dismayado si San Fernando dahil sariling kontribusyon ng mga miyembro ang uutangin ngunit papatawan pa rin ng interes.
“Niloloko na naman tayong mga manggagawa. Sabi ng Pangulo, good news daw ito. Pero anong good news sa pautang na galing sa sarili mong kontribusyon, tapos papatawan ka pa ng 7% na interes?” ani San Fernando.
Ayon pa sa kongresista, daig pa umano ng SSS ang mga private lending apps gaya ng GLoan at iba pang digital banks na gumagamit ng pribadong pondo ngunit may mas mababang interes.
Tinukoy ni San Fernando na ang interes ng SSS na 7% ay mas mataas kumpara sa ilang digital loans na nasa 1.59% hanggang 6.99% lamang, at kadalasan ay mas magaan pa ang termino ng pagbabayad.
“Tapos ang SSS, na pera mismo ng manggagawa ang pinanggagalingan, 7% pa ang interes? Nasaan ang hustisya roon?” giit ng mambabatas.
Dahil dito, nanawagan si San Fernando ng imbestigasyon sa emergency loan program at iba pang isyu sa SSS, iginiit na sa halip na tulungan ang mga miyembrong nangangailangan ay lalo pa umanong inilulubog sa utang ang mga ito.
Kinastigo rin niya ang gobyerno dahil umano sa kawalan ng kongkretong hakbang para sa dagdag-sahod at mas maayos na benepisyo, lalo na sa pribadong sektor.
“Hindi dapat utang ang pangunahing sagot ng gobyerno sa krisis. Ang kailangan ng manggagawa ay sapat na sahod, disenteng benepisyo, at tunay na proteksyon, hindi dagdag na pagkakautang,” dagdag pa ni San Fernando.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Marcos na bukas na simula ngayong Disyembre ang emergency loan ng SSS para sa mga kwalipikadong miyembro, na may anim na buwang moratorium sa pagbabayad.
Ito ay matapos isailalim ang bansa sa state of national calamity bunsod ng mga mapaminsalang bagyong tumama sa Pilipinas.
“Simula itong Disyembre na ito ay makakapagbigay na ang SSS ng tinatawag na emergency loan,” ayon sa Pangulo sa isang video message.
“Ito ay isang pautang na ang bayad, 7% lang,” dagdag pa niya.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
149 