ITUTULOY pa rin ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng civil forfeiture cases laban sa mga ari-arian ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, sa kabila ng kanyang pagkamatay matapos mahulog sa bangin sa Benguet.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, bagama’t napapawalang-bisa na ang anumang posibleng criminal liability ni Cabral dahil sa kanyang pagpanaw, maaari pa ring habulin ang kanyang civil liability.
Ibig sabihin, maaari pa ring bawiin ng gobyerno ang mga ari-arian ni Cabral kung mapatutunayang nagmula ang mga ito sa iligal na paraan.
Kasabay nito, inirekomenda rin ng DOJ sa Philippine National Police (PNP) na isailalim sa autopsy ang mga labi ni Cabral upang matukoy kung may naganap na foul play sa kanyang pagkamatay.
Nanghihinayang naman si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Ret. Justice Andres Reyes Jr. sa biglaang pagpanaw ni Cabral, lalo na’t hindi ito nakasipot sa ipinatawag na pagdinig noong Lunes.
Aminado si Reyes na marami pa sanang impormasyong maibibigay si Cabral na makatutulong sa imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.
Samantala, pumasok na rin ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral, na nadadawit sa multi-bilyong pisong flood control scandal.
Ito ay matapos atasan ni PNP Acting Chief PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr. ang CIDG na magsagawa ng parallel investigation upang makatulong sa kasalukuyang imbestigasyon ng pulisya.
Ayon kay Nartatez, kahit may paunang hinala na sa nangyari, hindi dapat isantabi ang anumang posibilidad hangga’t hindi natatapos ang forensic examination at hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi at mga pangyayari sa pagkamatay ni Cabral.
Kabilang sa mga tinitingnang anggulo ang kalagayan ng kalusugan ni Cabral, posibilidad ng aksidente, o sinadyang pagkamatay.
Kasama rin sa ipapatawag sa mga susunod na imbestigasyon ang driver ni Cabral, na kasalukuyang itinuturing na person of interest (POI) alinsunod sa protocol na ang sinumang huling nakasama ng biktima sa loob ng 36 oras ay awtomatikong POI.
Layunin din ng death probe na ma-subpoena ang mga personal na gamit ni Cabral, kabilang ang kanyang cellphone, laptop at iba pang electronic devices, na posibleng magbigay-linaw sa kaso.
Nabatid na naibalik na ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO-CAR) sa pamilya ang mga gamit ni Cabral matapos marekober ang kanyang bangkay mula sa may 20 hanggang 30 talampakang lalim na bangin.
Inatasan ng PNP National Headquarters ang PRO-CAR na tapusin sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon upang ma-clear na rin bilang POI ang driver, kung walang makikitang basehan laban dito.
Batay sa ulat ng Benguet Provincial Police Office, ang insidente ay ini-report mismo ng driver ni Cabral. Ayon sa kanya, bandang alas-3:00 ng hapon ay bumiyahe sila sa Kennon Road patungong La Union, ngunit humiling si Cabral na huminto at iwan siya sa lugar.
Nagpunta ang driver sa isang malapit na gasolinahan at bumalik bandang alas-5:00 ng hapon, subalit wala na si Cabral. Sinubukan pa umano nitong hanapin ang dating opisyal sa hotel na tinutuluyan nito, ngunit bigo rin.
Bandang alas-7:00 ng gabi ay ini-report ng driver ang insidente sa pulisya. Makalipas ang isang oras, bandang alas-8:00 ng gabi, natagpuan ang bangkay ni Cabral sa gilid ng Bued River, humigit-kumulang 20 metro sa ibaba ng highway.
Nanawagan si Nartatez sa publiko, lalo na sa mga netizen, na iwasan ang espekulasyon at hintayin ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya.
(JULIET PACOT/JESSE KABEL)
89
