TINUKOY ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na may umiiral na korapsyon sa loob ng kanyang ahensiya, partikular sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Remulla, nadiskubre ang iba’t ibang katiwalian sa hanay ng BFP, kabilang ang umano’y paggamit ng ilang opisyal at personnel ng kanilang badge sa iligal na mga aktibidad.
Sinabi ng kalihim na kabilang sa mga natukoy na modus ang paniningil ng malaking halaga sa mga aplikante kapalit ng pagpasok sa BFP, kung saan ginagamit umano ng mga tiwaling indibidwal ang recruitment process bilang pagkakakitaan.
Bukod dito, isiniwalat din ni Remulla na pinagkakakitaan umano ng ilang opisyal ng BFP ang inspection fees at maging ang pagbebenta ng fire extinguishers.
Kaugnay nito, sinabi ng DILG chief na may ilang korap na opisyal na silang natukoy at nakatakdang sibakin simula Enero ng susunod na taon bilang bahagi ng paglilinis sa ahensiya.
Samantala, hanggang sa ngayon ay wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Bureau of Fire Protection kaugnay ng mga alegasyong inilahad ng kalihim.
(JESSE RUIZ)
85
