SUPLAY NG TUBIG SA BRGY. TUMANA NAIBALIK NA

MAY TUBIG NA NGAYONG PASKO — Nagbayad ng P15 milyon si Marikina City Mayor Maan Teodoro kasama si District 1 Rep. Marcy Teodoro bilang bahagi ng utang ng Barangay Tumana sa Manila Water, na nagpanumbalik ng suplay ng tubig sa barangay bago ang Pasko. Kasama nila sa Manila Water Office sa Tumana noong Disyembre 20, 2025 ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod. (DANNY QUERUBIN)

SA pagsisikap at agarang pagkilos ni Marikina Mayor Maan Teodoro, hindi na magpa-Pasko na walang suplay ng tubig ang mga residente ng Barangay Tumana.

Personal na nagtungo si Mayor Teodoro sa tanggapan ng Manila Water Marikina Service Area dala ang P15 milyon upang bayaran ang bahagi ng utang ng Barangay Tumana. Lumobo ang utang ng barangay sa P37,192,199.98 matapos mabigong i-remit ni Barangay Captain Akiko Centeno sa Manila Water ang bayad ng mga residente, na naging dahilan upang putulin ang suplay ng tubig sa lugar.

Bilang tugon, pinamadali ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod ang pagpasa ng ordinansa na maglaan ng P15 milyon bilang pambayad upang maibalik kaagad ang supply ng tubig sa barangay.
Matapos magbayad sa Manila Water, agad na hiniling ni Teodoro sa kompanya na ibalik ang supply ng tubig sa 13 common points sa barangay.

Personal na sinaksihan ni Mayor Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro ang muling pagdaloy ng supply ng tubig sa mga gripo sa barangay.

Nangako naman si Mayor Teodoro na papanagutin ang mga responsable sa pagkaputol ng supply ng tubig sa lugar.

“May mananagot, at sisiguruhin nating hindi na ito mauulit. At malinaw po ito: hindi ko papayagan na ang mga taga-Tumana ang magdusa dahil sa pagkukulang ng iilan,” wika niya.

68

Related posts

Leave a Comment