2025: KONTROBERSYA, KALAMIDAD AT PAGKAKABUKLOD NG MGA PINOY

HINDI naging tahimik ang 2025. Sa loob ng isang taon, hinarap ng bansa ang mabibigat na isyung pampulitika, pagpanaw ng mga iniidolong personalidad, mga lindol at bagyo, at mga pangyayaring gumulantang sa publiko. Bawat buwan ay may iniwang marka — may nagpagulat, may nagpaiyak, at may nagbukas ng mas malalaking tanong tungkol sa direksyon ng bansa.

ENERO
Agad naging usap-usapan ang pagsisimula ng taon matapos magsanib-pwersa ang ABS-CBN at GMA sa mga proyekto sa telebisyon, tampok ang espesyal na kolaborasyon sa ika-20 season ng Pinoy Big Brother. Ngunit kasabay ng ingay ng showbiz ay ang pagluluksa sa pagpanaw ni Gloria Romero, isa sa pinakamatagal at pinakaminahal na aktres ng bansa.

PEBRERO
Uminit ang pulitika nang ihain at agad inaprubahan sa House of Representatives ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na nilagdaan ng mahigit 215 na mambabatas. Dahil higit sa isang-katlo (1/3) ng Kamara ang pumirma, direkta itong na-impeach at ipinadala ang “Articles of Impeachment” sa Senado. Muling nabuhay ang usapin tungkol sa pananagutan ng mga dating opisyal ng pamahalaan.

MARSO
Nayanig ang bansa matapos arestuhin si dating pangulong Rodrigo Duterte, isang pangyayaring agad naging pangunahing balita dito at sa ibang bansa. Ang mismong araw ng pag-aresto ang tumatak sa publiko, habang patuloy namang tinututukan ang mga susunod na legal na hakbang.

ABRIL
Nalugmok sa lungkot ang bansa sa pagpanaw ng Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor. Mula lansangan hanggang social media, bumuhos ang mga pagpupugay para sa Superstar na naging boses ng masa sa loob ng maraming dekada.

MAYO
Idinaos ang 2025 midterm elections, kung saan muling nagsalita ang taumbayan sa pamamagitan ng balota. Nagbago ang timpla ng pulitika sa Kongreso at mga lokal na pamahalaan, habang sinuri ng publiko ang naging resulta ng halalan.

HUNYO
Muling umalingawngaw ang mga matagal nang kaso matapos ilahad sa mga pagdinig ng Senado ang alegasyon kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero, kabilang ang pahayag na maaaring itinapon ang mga ito sa Lawa ng Taal. Bagama’t nananatiling alegasyon, malakas ang naging epekto nito sa damdamin ng publiko.

HULYO
Sa kanyang State of the Nation Address, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa posibleng katiwalian sa mga flood control project, na muling nagbukas ng tanong tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan.

AGOSTO
Naging laman ng balita ang hanay ng kapulisan matapos alisin sa puwesto si PNP Chief Nicolas Torre, na nagbukas ng diskusyon tungkol sa pamumuno, disiplina, at reporma sa loob ng PNP.

SETYEMBRE
Muling nagpaalala ang kalikasan ng bangis nito matapos yanigin ng malalakas na lindol ang ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Bogo, Cebu, na nagdulot ng takot at pinsala sa mga apektadong lugar.

OKTUBRE
Sunod-sunod ang hamon noong Oktubre. Malalakas na lindol ang tumama sa Eastern Mindanao, kabilang ang Manay, Davao Oriental, habang mga bagyo at sama ng panahon ang nanalasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pagsisimula ng ber months.

NOBYEMBRE
Nagulantang ang publiko matapos akusahan ni Senador Imee Marcos ang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pati ang ilang miyembro ng kanyang pamilya, ng paggamit ng ilegal na droga sa kanyang talumpati sa isang malakihang rally ng Iglesia ni Cristo. Ang pahayag ay umani ng matinding reaksyon mula sa Malacañang, mga politiko, at mamamayan.

DISYEMBRE
Ikinagulat ng marami ang biglaang pagpanaw ng isa sa mga kontrobersyal na personalidad sa masalimuot na anomalya sa flood control projects. Natagpuan ang walang buhay na si former Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral sa malalim na bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet. Marami ang nagdududa na sa kanyang pagpanaw ay lalong magiging mahirap ang paghabol sa mga tiwaling nakinabang sa maanomalyang mga proyekto.
Sa kabila ng bigat ng taon, nagtapos ang 2025 sa mas positibong damdamin nang lumaban ang mga atletang Pilipino sa Southeast Asian Games, bitbit ang dangal at pag-asa ng bansa sa pandaigdigang entablado.

Sa pagsasara ng 2025, malinaw na naging mabigat ang taon para sa Pilipinas. Ngunit sa gitna ng kontrobersiya, kalamidad, at pagkakahati ng opinyon, patuloy na umusad ang bansa — dala ang mga aral ng nakaraan at ang tanong kung ano ang susunod na haharapin.

(LEA BAJASAN)

101

Related posts

Leave a Comment