BILANG paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong deboto ng Poong Jesus Nazareno sa Enero 9, naglabas ng mahahalagang paalala at gabay ang Manila Police District (MPD) para sa ligtas at maayos na pagdalo sa pista.
Ayon sa MPD, iwasan ang pagdadala ng bag at mamahaling gadget upang hindi maging target ng masasamang loob. Mariin ding pinayuhan ang publiko na huwag isama ang mga sanggol, bata at senior citizen dahil sa matinding siksikan at pagod.
Pinayuhan din ang mga may sakit, buntis, at maging ang mga nakainom ng alak na huwag nang makilahok sa Traslacion sa Enero 9 upang maiwasan ang sakuna.
Dagdag pa ng MPD, magsuot ng kumportableng damit, gumamit ng maayos na sapatos, at uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa dehydration at pagkahilo.
Umaasa ang MPD na sa pamamagitan ng mga paalalang ito ay mababawasan ang krimen at insidente ng pagkakasugat sa isa sa pinakamalaking relihiyosong pagtitipon sa bansa.
Binigyang-diin din ng MPD na mas pinagtibay ang paghahanda ngayong taon sa tulong ng Simbahang Katolika, Philippine National Police (PNP), mga deboto at volunteer, upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagdiriwang ng pista ng Jesus Nazareno.
(JOCELYN DOMENDEN)
125
