PUMALAG si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa tinawag niyang malisyosong pahayag at paratang ni Batangas Rep. Leandro Leviste kaugnay ng umano’y pagsingit ng pondo o budget insertions sa flood control projects ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito ay matapos igiit ni Leviste na sangkot umano si Dizon sa paggamit ng pondo para sa flood control projects habang ito ay nasa BCDA pa.
Sa inilabas na pahayag ni Dizon, mariin niyang itinuro na mismong BCDA, na kanyang pinamunuan noon, ang naglabas na ng malinaw na opisyal na pahayag na walang anomang flood control project na pinondohan gamit ang budget insertions.
Giit ng kalihim, walang katotohanan at walang batayan ang alegasyong gumamit ng allocable funds o anomang uri ng pondo ang BCDA para sa flood control.
“Walang flood control projects na pinondohan sa pamamagitan ng budget insertions, allocable funds, o sa anomang ibang paraan,” diin ni Dizon.
Dagdag pa niya, kaduda-duda ang timing ng alegasyon ni Leviste, lalo na’t kasunod ito ng paglutang ng ilang tauhan ng DPWH na nag-aakusa sa kongresista na puwersahan umanong kinuha ang tinatawag na “Cabral files”—mga dokumento ng yumaong dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Ani Dizon, malinaw na may motibo ang pag-uugnay ng kanyang pangalan sa isyu at iginiit na hindi siya papayag na dungisan ang kanyang pangalan gamit ang mga paratang na aniya’y pawang kasinungalingan.
(JOCELYN DOMENDEN)
96
