SECURITY GUARD PINASLANG SA LOOB NG ESKWELAHAN SA QUEZON

HINDI na umabot sa pagsalubong ng Bagong Taon ang isang 50-anyos na security guard matapos itong ratratin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob mismo ng kanyang pinagtatrabahuhang eskwelahan sa Sariaya, Quezon, bisperas ng Bagong Taon.

Ayon sa ulat ng Sariaya Police, dakong alas-7:15 ng umaga nang madiskubre ng isang janitor ng Mamala Integrated Elementary School ang duguang katawan ng biktima na nakabulagta sa loob ng school compound.

Kinilala ang biktima na si “Ito,” security guard, residente ng Purok 5, Brgy. Mamala I, Sariaya, Quezon na maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Idineklara itong dead on the spot ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin. Sinusuri na rin ang mga kuha mula sa CCTV cameras sa loob at paligid ng eskwelahan upang alamin kung sino ang pumasok o lumabas sa compound bago at matapos ang pamamaril.

Sa ngayon, wala pang malinaw na lead ang mga awtoridad at hindi pa tukoy kung may kinalaman sa personal na alitan, trabaho, o iba pang motibo ang krimen. (NILOU DEL CARMEN)

92

Related posts

Leave a Comment