WALANG line-item authority ang Office of the Special Assistant to the President sa pagtukoy ng listahan ng mga proyekto sa Department of Public Works and Highways.
Paglilinaw ito ni Special Assistant to the President Antonio F. Lagdameo upang pasinungalingan ang sunod-sunod na ulat sa social media na nagsangkot sa OSAP sa tinatawag na DPWH files.
“Wala ring papel ang OSAP, o sinoman sa opisina nito, sa pagpapatupad ng anomang Infrastructure projects ng DPWH,” pahayag ni Lagdameo.
Kanyang ipinaliwanag na ang mga lumalabas na internet post na nagtatangkang iugnay ang “OP (ES/SAP)” sa umano’y DPWH document ay isang kasinungalingan at pangligaw sa katotohanan.
Binigyang-diin niya na ang OSAP ay hindi isang implementing agency at hindi rin nagtataglay ng teknikal na mandato upang magplano, pumili, o magtakda ng mga prayoridad sa proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng DPWH.
Ayon kay Lagdameo, anomang pahiwatig na may kontrol o impluwensiya ang OSAP sa mga item sa badyet ng DPWH ay hindi totoo.
Iginiit din niya na walang kapangyarihan ang OSAP sa mga panloob na proseso ng badyet ng kagawaran, partikular sa antas ng line item.
Inilabas ng OSAP ang paglilinaw sa gitna ng tinukoy nitong paulit-ulit na mga pagtatangkang banggitin ang pangalan ng Special Assistant to the President, o ng mismong tanggapan, upang magpahiwatig ng impluwensiya, pakikilahok, o pag-endorso kahit wala naman.
Sinabi ni Lagdameo na ang patuloy na maling paggamit sa pangalan ng SAP o ng kanyang tanggapan ay hindi nararapat, iresponsable, at dapat nang itigil.
Habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pananagutan ay nagbabala si Lagdameo laban sa mga pabaya at walang basehang paratang na nakabatay umano sa hindi beripikado, o mga maling impormasyon.
Aniya, ang paghahangad ng katarungan ay kailangan palagiang nakasandig sa mga katotohanan at sa due process, at ang pagpapakalat ng maling pahayag ay naglilihis ng atensyon mula sa mga tunay na isyu at nagpapabagal sa kanilang resolusyon sa pamamagitan ng mga nararapat na institusyon.
Muling iginiit ni Lagdameo na nananatiling nakatuon ang OSAP sa transparency at accountability, at lubos nitong sinusuportahan ang mga ahensiya at opisyal na nagsasagawa ng lehitimong imbestigasyon alinsunod sa batas at para sa kapakanan ng publiko.
Dagdag pa niya, handang makipagtulungan ang tanggapan sa anomang pagsisiyasat na isasagawa sa tamang forum, basta’t ito ay nakabatay sa ebidensiya at ginagabayan ng due process na nakasaad sa Constitution.
Hanggang sa panahong iyon, sinabi ni Lagdameo na patuloy na gaganap ang OSAP sa mga tungkulin nito alinsunod sa mandato at hindi magpapadala sa mga espekulasyon.
71
