DOH: 140 NABIKTIMA NG PAPUTOK KARAMIHAN KABATAAN

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na umabot sa 140 ang mga nabiktima ng iba’t ibang uri ng paputok at pailaw mula Disyembre 21 hanggang 30 ngayong taon.

Mas mababa ito ng 23 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2024 na nakapagtala ng 182 kaso, ayon sa DOH.

Gayunman, nakababahala pa rin ang datos dahil 95 sa mga biktima ay edad 19 pababa, habang 58 porsiyento ng mga nasugatan ay mula sa edad 5 hanggang 14 anyos.

Nangunguna sa sanhi ng pinsala ang 5-star at boga, habang pumangalawa sa listahan ang mga hindi natukoy na uri ng paputok.

Muling nagpaalala si Health Secretary Teodoro Herbosa na agad dalhin sa pinakamalapit na ospital ang sinumang mabibiktima ng paputok upang maiwasan ang tetano at iba pang komplikasyon.

Payo ng DOH, hugasan agad ng tubig at sabon ang sugat, balutin ng malinis na tela, at iwasang pahiran ng kung anu-anong bagay tulad ng ointment o toothpaste.

Diin ni Herbosa, mga medical expert lamang ang dapat gumamot sa sugat upang hindi ito lumala, maimpeksyon, at humantong sa nakamamatay na tetano. (JULIET PACOT)

99

Related posts

Leave a Comment