11 WANTED, 5 TOP MWP KALABOSO SA ‘WARRANT DAY’ NG QCPD

NAARESTO ang 11 wanted persons, kabilang ang limang (5) Top Most Wanted Persons (MWPs), isang (1) MWP, at limang (5) Other Wanted Persons (OWPs) sa isinagawang “Warrant Day” operation ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Enero 2, 2026.

Ayon kay QCPD Acting District Director PCOL Randy Glenn Silvio, sabay-sabay na ikinasa ng mga police station at unit ng QCPD ang operasyon upang ipatupad ang mga nakabinbing warrant of arrest (WOA) laban sa mga suspek.

Dakong alas-10:10 ng gabi, inaresto ng Talipapa Police Station (PS 3) sa pamumuno ni PLTCOL Von Alejandrino ang kanilang No. 9 Top MWP na kinilalang si alyas “Mark Anthony,” 29, residente ng Brgy. Unang Sigaw, QC, sa Quirino Highway corner Dizon St., Brgy. Baesa. May nakabinbing WOA laban sa kanya para sa paglabag sa R.A. 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act) at P.D. 1602 (Anti-Illegal Gambling Law) na inisyu ng mga korte sa Quezon City.

Sa hiwalay na operasyon, nadakip naman ng Project 4 Police Station (PS 8) sa ilalim ni PLTCOL Joy Leanza ang kanilang No. 2 Top MWP na si alyas “Marilyn,” 63, residente ng Brgy. Cupang, Antipolo City, dakong 5:30 ng hapon sa Lorenzo St., Brgy. 598, Sta. Mesa, Maynila. Siya ay may WOA para sa Estafa na inisyu ng MTC Antipolo City.

Bandang 8:30 ng umaga, inaresto rin ng Anonas Police Station (PS 9) sa pamumuno ni PLTCOL Leonie Ann dela Cruz ang kanilang No. 6 Top MWP na si alyas “Rutzen,” 35, sa kanyang tirahan sa Brgy. Old Balara, Quezon City. Nakabinbin laban sa kanya ang WOA para sa paglabag sa R.A. 10883 (Bagong Anti-Carnapping Act of 2016) na inisyu ng RTC Quezon City.

Samantala, nagsilbi ng WOA ang Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa ilalim ni PLTCOL Rowena Amata laban sa kanilang No. 10 Top MWP na si alyas “Nelson,” 50, residente ng Brgy. Payatas, QC, bandang alas-4:00 ng hapon sa PS 13 Custodial Facility. Siya ay nahaharap sa kasong Slight Physical Injuries na inisyu ng MeTC Manila. Sa record check, lumabas na dati na rin siyang nasangkot sa paglabag sa R.A. 11332 noong Abril 2020 at Tangkang Pagpatay noong Disyembre 2025.

Dakong alas-10:30 ng gabi, nadakip naman ng Holy Spirit Police Station (PS 14) sa pamumuno ni PLTCOL Jefry Gamboa ang kanilang No. 2 Top MWP na si alyas “Danilo,” 55, sa kanyang tirahan sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City. May WOA siya para sa kasong Panggagahasa na inisyu ng RTC Quezon City.

Bukod sa limang Top MWPs, isang MWP ang naaresto ng Galas Police Station (PS 11). Para naman sa Other Wanted Persons, dalawa ang nadakip ng PS 10, habang tig-isa ang naitala ng District Anti-Carnapping Unit (DACU), La Loma Police Station (PS 1), at PS 14.

Tiniyak ng QCPD na magpapatuloy ang mga operasyon laban sa wanted persons bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa lungsod.

(PAOLO SANTOS)

60

Related posts

Leave a Comment