BATANGAS – Matinding kamalasan ang sinapit ng isang negosyante nang maputukan ng sariling baril ang kanyang ari habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Brgy. Lucsuhin, sa bayan ng Calatagan sa lalawigan noong Sabado.
Ayon sa Calatagan Municipal Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng biktima.
Batay sa salaysay ng 54-anyos na biktimang kinilalang si “Emil”, nakasukbit sa kanyang baywang ang isang converted improvised caliber .22 handgun nang ito ay biglang pumutok at tinamaan siya sa kanyang ari.
Isinugod ang biktima sa Calatagan Medicare Center kung saan siya nilalapatan ng lunas.
Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente kabilang ang ulat na makaraan ang nangyari ay itinapon umano ng biktima ang nasabing baril sa ilog sa Barangay Lucsuhin.
(NILOU DEL CARMEN)
74
