ZALDY CO, ROMUALDEZ PANAGUTIN PA RIN

UMAPELA si Navotas Rep. Toby Tiangco sa publiko na huwag hayaang malihis ang isyu kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating congressman Zaldy Co, at tiyaking mananatiling pinapanagot ang mga ito sa umano’y anomalya sa 2025 national budget.

Ginawa ni Tiangco ang panawagan sa gitna ng mga bagong kontrobersya sa Kongreso, kabilang ang isiniwalat na P2 milyong Christmas bonus umano para sa bawat mambabatas, na ayon sa kanya ay tila nagtatakip sa mas mabigat na usapin ng korapsyon kaugnay ng nakaraang pambansang pondo.

“Tuwang-tuwa siguro sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez kasi parang nalilihis na ang isyu at hindi na pinag-uusapan ang korapsyon bunsod ng 2025 national budget,” ani Tiangco.

Noong Nobyembre 21, 2025, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may inilabas nang arrest warrant laban kay Co at nakipag-ugnayan na rin umano ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Interpol, bagama’t hindi pa rin ito naaaresto hanggang sa kasalukuyan.

Kasabay nito, umuugong din ang panawagan ng iba’t ibang sektor na buksan sa publiko ang detalye ng paggastos sa P6.793 trilyong pambansang pondo para sa 2026. Ayon kay Tiangco, bagama’t mahalaga ang transparency, hindi ito dapat maging dahilan upang tuluyang matabunan ang pananagutan nina Romualdez at Co sa flood control scandal at sa mga kwestiyonableng insertions sa 2025 budget.

“Yes to transparency, pero sana huwag din nating kalimutan na panagutin ang mga sangkot sa isyu ng flood control at insertions sa 2025 national budget,” giit ng mambabatas.

Kasabay ng panawagang ito, hinimok ni Tiangco ang liderato ng Kamara na ilathala sa opisyal na website ng Kongreso ang detalye ng budget ng bawat congressional district sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026.

Aniya, makatutulong ito upang maiwasan ang pag-uulit ng mga anomalya sa nakaraang budget at upang malaman ng mga constituent kung anong mga proyekto ang nakalaan sa kanilang mga distrito, nang sa gayon ay mabantayan ang implementasyon at maiwasan ang ghost o substandard projects.

“Magiging magandang simula sa bagong taon kung finally ay i-publish na ng Kongreso sa aming website ang mga proyekto at ang mga proponent nito para sa 2026 GAA. Kapag ginawa ito ng Kongreso, mawawala ang agam-agam ng mga tao dahil malinaw na makikita kung saan napunta ang budget at kung sino ang nagpanukala nito,” paliwanag ni Tiangco.

Dagdag pa niya, sa ganitong paraan ay maibabalik ang pokus sa imbestigasyon at paghahain ng mga kaso laban sa mga sangkot sa umano’y pagnanakaw sa kaban ng bayan.

(BERNARD TAGUINOD)

86

Related posts

Leave a Comment