Kukuwestiyunin sa SC ng solon ‘PORK’ NI PBBM SA 2026 BUDGET PINABUBURA

(BERNARD TAGUINOD)

NAGHAHANDA na ang legal team ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na kuwestiyunin sa Korte Suprema ang constitutionality ng 2026 national budget sakaling hindi iveto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bahagi nito, partikular ang P243 bilyong unprogrammed appropriations (UA).

Ngayong araw inaasahang lalagdaan ni Marcos ang pambansang pondo na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, matapos maantala ang pagpapatibay nito ng dalawang kapulungan ng Kongreso noong Disyembre.

Ayon kay Erice, dapat i-veto ng Pangulo ang UA dahil kung hindi ay ihahain nila ang usapin sa Kataas-taasang Hukuman.

“Ang problema ko ay ang constitutionality ng unprogrammed appropriations. Kung hindi ‘yan ive-veto ng Presidente, handa na ako. Ang aking legal team ay kasalukuyan nang gumagawa ng draft ng petisyon sa Korte Suprema,” ani Erice sa isang panayam.

Dagdag pa niya, kung pipirmahan ng Pangulo ang budget nang hindi tine-take out ang UA, idudulog nila ito sa SC “para once and for all ay matuldukan ang usapin sa constitutionality ng bagay na ito.”

Paliwanag ng mambabatas, kabilang sa inilagay sa UA ang pondo para sa retirement ng public school teachers at ang national revenue shares ng local government units (LGUs), na aniya’y dapat nasa programmed appropriations. Nasa UA rin umano ang equity ng national government para sa foreign-assisted projects, na nagdudulot ng multa sa bansa kapag nadedelay ang mga proyekto dahil walang agarang pondo.

Batay sa umiiral na patakaran, ipinatutupad lamang ang mga programang nasa UA kapag may sobrang koleksyon sa buwis o kapag umutang ang gobyerno sa loob o labas ng bansa para pondohan ang mga ito. Dahil dito, iginiit ni Erice na kailangan ang paglilinaw ng SC kung labag sa Saligang Batas ang UA, na ayon sa ilang militanteng mambabatas ay maituturing na “presidential pork” dahil ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpasya kung kailan at saan ito ipatutupad.

Nire-review na ng Malacañang

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na nagsasagawa na ang Executive Branch ng masusing pagsusuri at pagrerepaso sa ratipikadong 2026 General Appropriations Act (GAA) upang matiyak na ang pondo ng bayan ay maayos na nakalaan at tumutugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.

Sa isang kalatas, sinabi ni Recto na natanggap ng Malacañang ang ratified 2026 GAA noong Lunes, Disyembre 29, at agad na sinimulan ang “thorough review to ensure its integrity and effective execution.”

Aniya, maingat na sinusuri ni Pangulong Marcos at ng kanyang economic team ang budget upang matukoy ang anomang pagbabago mula sa orihinal na isinumiteng National Expenditure Program (NEP). Inaasahang tatagal ng isang linggo ang review process upang matiyak na ang spending bill ay tumutugon sa mga legal na rekisito at sa pangangailangan ng publiko.

“We will ensure that the 2026 GAA will satisfy not only the legal and technical requirements but, more importantly, the needs of the Filipino people,” ani Recto.

Tiniyak din niya na ang maikling panahon sa ilalim ng reenacted budget, kung sakali, ay hindi makaaapekto sa operasyon ng pamahalaan. Ayon kay Recto, layon ng review na pangalagaan ang fiscal discipline at matiyak na ang pera ng taumbayan ay “spent wisely” at magreresulta sa kongkretong benepisyo para sa mga Pilipino.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

60

Related posts

Leave a Comment