Muling nagpaalala ang Manila Electric Company (Meralco) tungkol sa panganib na dulot ng pagnanakaw ng kable ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya matapos ang isang insidente sa Quezon City nitong nakaraang linggo.
Nagtangkang magnakaw ng mga kable ng kuryente ang isang 37-anyos na lalaki nitong Enero 4, bandang alas-3 ng madaling araw, na nagdulot ng pansamantalang pagkaantala sa serbisyo ng kuryente sa halos 8,000 customer. Naibalik ang serbisyo ng kuryente pasado alas-7 ng umaga matapos ang mabilis na pagresponde ng mga crew ng Meralco para maisaayos ang mga apektadong linya.
Nagtamo ang suspek sa insidente ng matinding paso o “flashover burns” at nahulog mula sa puno. Agad rin naman siyang naisugod sa ospital pero kasalukuyan ay nasa kritikal na kondisyon.
“Patunay ang insidenteng ito sa matinding panganib na dulot ng pagnanakaw ng mga kable at pasilidad ng kuryente. Bukod sa perwisyo sa komunidad dahil sa pagkaantala ng serbisyo, napaka-delikado ng mga ganitong gawain dahil mataas ang boltahe ng aming mga pasilidad na maaaring maging sanhi ng pagkakuryente, matinding pinsala sa katawan o kaya naman ay pagkamatay,”ani Froilan J. Savet, Senior Vice President at Head ng Networks ng Meralco.
“Muli, hinihimok namin ang publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa mga pasilidad ng Meralco,” dagdag pa niya.
Pinapaalala rin ng Meralco na ang pagnanakaw ng kable ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya ay labag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act, na may kaukulang parusa ng pagkakakulong at multa.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 0920-9716211 o 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
105
