TRABAHO AT KLASE SA ENERO 9, SINUSPINDE NI MAYOR ISKO

SINUSPINDE ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang trabaho sa lahat ng mga opisina ng pamahalaang lungsod at mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang bigyang daan ang pagdiriwang ng kapistahan ng Jesus Nazareno.

Sa anunsyo ng alkalde, inilatag din ang serye ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan at kabanalan sa panahon ng Pista ng Nazareno.

Kasunod ito ng paglagda ni Mayor Isko sa Executive Order No.1 Series of 2026 kung saan nakasaad na ang suspensyon ay layuning pahintulutan ang mga deboto na makibahagi sa taunang Traslacion na dinadaluhan ng milyong-milyong deboto sa kabisera.

Sa ilalim ng kautusan, ang frontline services tulad ng peace and order, public services, traffic enforcement, disaster risk reduction at health services ay magpapatuloy ang operasyon.

Ang suspensyon ng trabaho sa mga opisina ng pambansang pamahalaan at pribadong kompanya sa Manila, gayunpaman, ay nasa pagpapasya ng kani-kanilang mga pamunuan.

Nilagdaan din ni Domagoso ang magpapatupad ng pagbabawal sa pag-inom ng alak sa Enero 9 sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at sa ruta ng Traslacion.

Ang kautusan ay nagbabawal sa pagbenta at pagkonsumo ng mga inuming may alak sa mga sakop na lugar upang matulungan ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at paggalang sa kabanalan ng gawaing relihiyoso.

Inatasan ang Manila Police District (MPD) at iba pang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa buong pagdiriwang.

Gayundin. inilabas ang Executive Order No. 3, Series of 2026, kung saan ipinahayag ni Domagoso ang kabuuang pagbabawal sa paggawa, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga firecracker at pyrotechnic device mula Enero 8 hanggang 9 sa loob ng syudad.

Ang pagbabawal sa firecracker ay layuning maiwasan ang mga pinsala, sunog, at iba pang mga panganib sa panahon ng mga pagdiriwang ng Nazareno, na may malalaking bilang ng mga tao at mahahabang ruta ng prusisyon.

Binanggit ni Domagoso ang mga pambansang batas at isang 2023 memorandum ng Department of the Interior and Local Government na naghihikayat sa mga lokal na pamahalaan na paghigpitan ang paggamit ng firecracker sa mga pinahintulutang community displays.

Ang tatlong executive orders ay magkakabisa agad matapos aprubahan na may mga kopya na ipadadala sa Malacañang alinsunod sa Local Government Code of 1991.

(JOCELYN DOMENDEN)

49

Related posts

Leave a Comment