AIR FORCE GENERAL INARESTO SA KASONG SEDITION

INARESTO ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si retired Air Force General Romeo Poquiz nitong Lunes ng umaga dahil sa kinahaharap na kasong sedition, nang bumalik ito ng Pilipinas mula sa Bangkok, Thailand.

Si Poquiz na lead convenor ng United Peoples Initiative (UPI), ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 77.

Agad na pinosasan ng mga operatiba ng CIDG si Poquiz pagkalapag ng sinasakyang nitong eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sa bisa ng bitbit nilang arrest warrant kaugnay sa kasong rebellion and inciting to sedition cases na inihain ng Department of Justice (DOJ).

Agad na isinakay sa pribadong sasakyan ang dating heneral paglabas mula sa north dock ng nasabing terminal kung saan bantay-sarado siya ng mga tauhan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Quezon City Police District (QCPD).

Si dating Maj. Gen. Poquiz ay kilala bilang isa sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon kung saan iginiit ng kampo nito na inihayag lamang niya ang pagkadismaya na nararamdaman ng karamihan ng mga Pilipino.

Ang grupo rin nito na United Peoples Initiative (UPI), ang nag-organisa ng kilos-protesta sa People Power Monument noong Nobyembre 2026.

Dismayado naman ang isa sa mga legal counsel ni Ret. Maj. Gen. Poquiz na si Atty. Ferdie Topacio, dahil hindi man lang nila nakaharap at nakausap ang kliyente nang isilbi ang warrant of arrest at agad na dinala sa CIDG–National Capital Region office sa Camp Crame, para sumailalim sa booking proceedings bagong ipresenta sa korte.

Nabatid na inaasahang makapaglalagak din agad ito ng piyansa na nagkakahalaga ng P48,000.00 para sa pansamantalang kalayaan nito.

Nag-ugat ang kasong sedition sa umano’y panawagan ni Poquiz na magbitiw na si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng multibillion corruption scandals kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Inakusahan din ni Atty. Topacio ang executive branch sa paggamit sa Department of Justice na sandata para gipitin at atakihin ang mga tao o grupo na sa tingin nila ay kalaban ng pamahalaan.

“Instead of jailing the corrupt, he jailed those going after the corrupt,” ayon sa abogado.

Ayon kay Topacio, masyadong garapal ang pagkakaaresto kay Poquiz at hindi man lamang sila pinalapit ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang kliyente.

(JESSE RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment