BONG REVILLA HUMARAP SA DOJ SA KASO NG MAANOMALYANG FLOOD PROJECTS

MULING pinabulaanan ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kanyang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects matapos siyang personal na humarap sa ikalawang pagkakataon sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ).

Pasado alas-10 ng umaga nang dumating si Revilla sa DOJ upang magsumite ng kanyang counter-affidavit kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y maanomalyang flood control project sa Bulacan na kinasasangkutan ng Wawao Builders.

Ayon kay Atty. Francesca Lourdes Señga, tagapagsalita ni Revilla, walang basehan ang mga alegasyon laban sa dating senador at wala umanong kredibilidad ang mga nag-akusa.

“Yung mga ganitong complaint na pina-file na walang batayan ay para bang inihahain lamang para mangharas o mang-abala ng isang indibidwal. Sa totoo lang, ayon sa batas at sa rules of evidence, hindi dapat paniwalaan ang mga ganitong reklamo dahil wala itong bigat at halaga,” ani Señga.

Naniniwala ang kampo ni Revilla na mababasura ang reklamo at hindi na ito aabot sa korte.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag si Revilla sa media matapos ang kanyang pagharap sa DOJ.

(JULIET PACOT)

50

Related posts

Leave a Comment