ZALDY CO SINAMPAHAN NG BAGONG PLUNDER COMPLAINT SA DOJ

KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na may bagong reklamong kinakaharap si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng plunder complaint laban kay Co, bukod-tangi sa pitong panibagong reklamong inihain sa kagawaran.

Nilinaw ni Martinez na hiwalay pa ang reklamong plunder sa limang naunang kaso na may kinalaman din sa flood control projects. Ang anim sa mga bagong reklamo ay tumutukoy sa mga proyektong iniulat na “completed” ngunit lumalabas na wala namang aktuwal na natapos o non-existent, partikular sa Bulacan.

Ibig sabihin, limang kaso ang natanggap at tinapos na noong Disyembre ng nakaraang taon, habang anim naman ang panibagong flood control–related cases na idinagdag kamakailan. Bukod pa rito ang hiwalay na plunder complaint na isinampa ng NBI laban kay Co.

Giit ni Martinez, hindi pare-pareho ang timeline ng preliminary investigation ng mga reklamo. May ilan na nasa reception of complaint and evidence stage pa lamang, habang ang iba ay nasa yugto na ng paghahain ng counter-affidavits ng mga respondent.

Kabilang sa mga respondent sa magkakahiwalay na reklamo sina dating senador Bong Revilla at Senador Joel Villanueva. Kinakaharap nila ang mga kasong Direct Bribery, Corruption of Public Officials, at Malversation through Falsification, kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9184 at Republic Act 3019.

Samantala, may palugit si Zaldy Co hanggang Enero 15, 2026 para magsumite ng kanyang counter-affidavit o kontra-salaysay.

(JULIET PACOT)

56

Related posts

Leave a Comment