UA SA 2026 BUDGET KUKUWESTIYUNIN SA SC

ISASAMPA na ngayong araw ni Caloocan City Rep. Edgar Erice sa Korte Suprema ang kanyang petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng Unprogrammed Appropriations (UA) sa 2026 national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon.

“Bukas,” sagot ni Erice nang tanungin kahapon kung kailan niya ihahain ang petisyon matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Act (GAA).

Bagama’t vineto ng Pangulo ang bahagi ng UA mula P243 bilyon ay binawasan ng P92.5 bilyon, iginiit ni Erice na magpapatuloy pa rin siya sa pagkuwestiyon nito dahil nananatili umano itong labag sa Saligang Batas.

Ayon kay Erice, kahit sa dissenting opinion ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando sa PhilHealth case ay malinaw na sinabing “all forms of unprogrammed funds are unconstitutional.”

Sinang-ayunan ito ng kanyang kaalyado na si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, na nagsabing hindi sapat ang simpleng pagbabawas sa UA.

Ani De Lima, nananatili itong “shadow pork” dahil wala umanong malinaw na safeguards upang maiwasan ang katiwalian hindi tulad ng programmed appropriations na detalyado at sinuri ng Kongreso.

Dagdag pa niya, inamin na umano ni Economic Secretary at dating Finance Secretary Ralph Recto na halos wala nang excess revenue na inaasahang makokolekta ng gobyerno.

“Kung halos wala nang excess revenues, bakit pa may unprogrammed appropriations?” tanong ni De Lima.

Sinabi rin ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña na walang dapat ipagmalaki ang administrasyon sa pag-veto ng bahagi ng UA dahil ang panukala umano ay nagmula mismo sa Ehekutibo.

“The President and his cabinet’s assurances of greater fiscal prudence ring hollow,” ayon kay Cendaña, sabay giit na mula pa sa National Expenditure Program (NEP) ang malaking pondo para sa UA.

Tugon naman ng Malacañang, handa itong harapin ang mga petisyong ihahain sa Korte Suprema laban sa 2026 national budget.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, karapatan ng sinoman ang dumulog sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang bahagi ng badyet.

“Kapag sila ay nag-file ng petition, sasagot ang administration at hihintayin natin ang magiging desisyon ng Korte Suprema,” ani Castro.

Ipinaliwanag ni Erice na taliwas umano sa Section 22, Article VII ng Philippine Constitution ang UA dahil hindi tukoy ang pinanggagalingan ng pondo.

“Ang unprogrammed funds ay wala namang source of financing. Pangako pa lang ‘yan,” dagdag niya.

Ang unprogrammed appropriations ay mga budget item na mapopondohan lamang kung may excess government revenues o iba pang pinanggagalingan gaya ng loans at special laws.

Nilagdaan nitong Lunes ni Pangulong Marcos ang P6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026, na ayon sa Malacañang ay nakatuon sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, panlipunang proteksyon at paglikha ng trabaho, at nakaangkla sa medium at pangmatagalang plano ng pamahalaan.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

63

Related posts

Leave a Comment