BAWAS, DELAY SA SAHOD, PENSYON NG GOV’T WORKERS ITINANGGI NG DBM

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi maaantala o mababawasan ang sahod, pension at retirement benefits ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng 2026 national budget.

Kasabay ng pagbasura sa kumakalat na ulat, sinabi ng Malacañang na “false and misleading” ang mga balitang may kaltas o tapyas sa pensyon at retirement benefits ng government workers.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, iginiit ng DBM na nananatiling buo at “fully allocated” ang sahod, mga inaprubahang umento at benepisyo ng mga empleyado ng pamahalaan, na nakapaloob sa kani-kanilang budget ng mga ahensya.

“May nais linawin ang DBM. May kumakalat na balita na maaantala o maaapektuhan ang salary increases at retirement benefits ng mga guro, kawani ng gobyerno at uniformed personnel sa 2026 national budget. Hindi po ito totoo. Walang tinanggal na pondo,” pahayag ni Castro.

Nilinaw niya na ang sinasabing realignment ng pondo ay isinagawa upang mailipat ito sa tamang ahensiya at matiyak ang mas direkta, mabilis at transparent na pagpapalabas ng benepisyo, partikular para sa uniformed personnel.

“Ang sinasabing P24 bilyon ay hindi binawas o kinansela. Inilipat lamang ito sa tamang ahensiya para sa mas diretso, mas mabilis at mas malinaw na paglabas ng benepisyo, lalo na para sa subsistence allowance ng uniformed personnel,” ani Castro.

Diin pa niya, buo ang sahod at salary increases ng parehong civilian employees at uniformed personnel at walang inaasahang delay o bawas. Hindi rin umano apektado ang pensyon ng uniformed personnel, at ang mga mag-o-opt para sa optional retirement ay daraan pa rin sa umiiral na proseso.

(CHRISTIAN DALE)

79

Related posts

Leave a Comment