INIHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na ligtas ang mga pangunahing tulay na daraanan sa Traslacion ng Jesus Nazareno.
Ito ay makaraang maglabas ng sertipikasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos inspeksiyunin ang mga tulay na daraanan ng Traslacion.
Batay sa sertipikasyon ng DPWH–National Capital Region, ang Quezon Bridge, Carlos Palanca Bridge, Ayala Bridge, at Arlegui Bridge 1 ay sinuri gamit ang 2025 Road and Bridge Inventory and Assessment ng rehiyon.
Ang apat na tulay ay na-rate na nasa “fair” o katamtamang kondisyon matapos ang inspeksiyon ng mga inhinyero ng DPWH.
Binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang naturang pagsusuri dahil sa inaasahang dami ng mga debotong lalahok sa taunang prusisyon.
Ayon pa sa sertipikasyon ng DPWH, ang mga rehas at barikada sa mga tulay ay maayos na nakakabit, ligtas, at nasa maayos na kondisyon, at walang nakitang sagabal sa mga bridge deck at daanang-panglakad na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko sa regular na paggamit.
Binanggit din ni Domagoso na may ilang tulay sa Maynila na kasalukuyang inaayos sa ilalim ng pangangasiwa ng DPWH, ngunit sinabi niyang nananatiling katanggap-tanggap ang kabuuang kondisyon ng mga ito para sa okasyon.
“Alam naman natin na may ilang tulay na kasalukuyang inaayos ng Pambansang Pamahalaan sa pamamagitan ng DPWH. Kaya sa kabuuan, okay naman,” sabi ng alkalde, habang tinitiyak sa mga deboto at sa publiko na may sapat na mga hakbang sa kaligtasan bago ang Traslacion.
Para naman sa Quezon Bridge, sinabi ng DPWH na nagpapatuloy ang mga gawaing rehabilitasyon, kabilang ang paglalagay ng pansamantalang shoring upang masuportahan ang estruktura habang isinasagawa ang pagkukumpuni.
Dagdag pa ng ahensiya, ang mga gawaing ito ay maayos na pinamamahalaan at mino-monitor alinsunod sa umiiral na mga pamantayan sa kaligtasan at inhinyera.
Ipinahayag din ng DPWH na wala itong “pagtutol” sa paggamit ng apat na tulay bilang bahagi ng ruta ng Traslacion, basta’t hindi papayagang dumaan ang anomang sasakyan sa buong kahabaan ng mga ito habang isinasagawa ang prusisyon.
(JOCELYN DOMENDEN)
50
