NILINAW ng Bureau of Immigration (BI) ang mga ulat kaugnay ng umano’y katiwalian sa pag-isyu ng 9G Working Visa para sa mahigit isang libong dayuhang foreign nationals na konektado sa mga accredited companies.
Ayon sa BI, lahat ng aplikante sa Visa Processing Center ay dumaraan sa masusing beripikasyon at pagsusuri upang masiguro na maayos ang proseso at walang isinusumiteng pekeng dokumento.
Ginagamit din ang Data Sharing System ng Department of Labor and Employment (DOLE) at BI upang matiyak na walang makalulusot na pekeng Alien Employment Permit.
Mahigpit na ipinatutupad ng BI ang Anti-Red Tape Act at ang zero-tolerance policy laban sa korupsyon upang masiguro na ang mga visa ay napupunta lamang sa mga lehitimong dayuhang manggagawa.
Ayon pa sa BI, malinaw ang utos ni Commissioner Atty. Anthony Viado na ipagbawal ang anomang pakikipagsabwatan ng mga tauhan sa travel agencies. Ang sinomang mapatutunayang sangkot sa “fixing” ay agad na masususpinde at maaaring sampahan ng kasong administratibo.
Nagbigay rin ng mahigpit na babala ang BI sa lahat ng accredited agencies na bantayan ang bawat aplikasyon. Ang sinomang mapatunayang nagsumite ng pekeng dokumento ay maaaring makanselan ng lisensya.
Dagdag pa rito, ipinatutupad ng BI ang mahigpit na alituntunin at safeguards. Kapag napatunayang nagsumite ng pekeng dokumento o nagsinungaling ang mga aplikante at kompanya, ang kanilang mga visa ay kakanselahin o ituturing na walang bisa. Maaari rin silang humarap sa kaukulang kaso.
Samantala, nananatiling bukas ang BI sa patuloy na pagpapabuti ng kanilang mga proseso at sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang integridad ng visa system sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
90
