LITO BANAYO PINURI ANG KATAPATAN NI TIANGCO SA PAGBUKING KAY ROMUALDEZ

Pinuri ng dating kinatawan ng Pilipinas sa Taiwan at beteranong political strategist na si Lito Banayo si Navotas Rep. Toby Tiangco dahil sa kanyang integridad matapos nitong isapubliko ang mga detalye ng kontrobersyal na mga transaksiyon sa budget ni Leyte Rep. at noo’y House Speaker na si Martin Romualdez.

Sa kanyang kolum para sa Manila Standard, inilarawan ni Banayo si Tiangco bilang isang pambihirang personalidad at malayong-malayo sa karaniwang trapo (traditional politicians) na matagal nang nangingibabaw sa pulitika ng Pilipinas.

“Toby Tiangco is a revelation. Not the usual trapo that we have come to regard all legislators, save for a minuscule few. So candid, so refreshing. And so honest,” ani Banayo.

Pinuri rin niya ang tapang ni Tiangco sa pagbubunyag na sinita ni Pangulong Marcos ang pinsang buo nito na si Romualdez dahil sa paglipat ng bahagi ng unprogrammed funds patungo sa mga proyektong pinaboran nina Romualdez at noo’y Ako Bicol Party-list Rep. na si Zaldy Co.

Sa isang naunang panayam, sinabi ni Tiangco na nangako si Romualdez sa Pangulo na ibabalik ang pondo sa bicameral conference committee, ngunit hindi ito natupad.

Ayon kay Tiangco, sinamantala ni Romualdez ang kabaitan ni Marcos sa hindi pagsunod sa kanyang utos. “Ang problema kasi ang impression kay Presidente masyadong mabait e,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ni Banayo na mahihirapan ang Malacañang na pabulaanan ang pahayag ni Tiangco, at iginiit niyang naniniwala siyang nagsasabi ng totoo ang mambabatas.

“I believe him. I am sure many, many more believe honest Toby,” diin niya.

Sa parehong panayam, isiniwalat ni Tiangco na batay sa mga survey na isinagawa bago ang 2025 senatorial elections, si Romualdez ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng approval ratings ni Marcos.

“Pero doon pa lang, nakikita na ang nagpapababa sa ratings niya, si Martin,” ani Tiangco, na idinagdag pa na alam ito ng Pangulo. (EG)

19

Related posts

Leave a Comment