DFA PINAKIKILOS SA PAG-ATAKE NG CHINESE EMBASSY SA PH OFFICIALS

HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agarang kumilos kaugnay sa mga pag-atake ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagtatanggol sa paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay matapos maglabas ang Chinese Embassy sa social media na umano’y tumutuligsa kay Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela, na naging lantad sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga insidente sa WPS.

Sa liham na ipinadala kay DFA Secretary Ma. Theresa P. Lazaro, humingi si Hontiveros ng paglilinaw kung ano ang mga hakbang na gagawin ng ahensya upang matiyak na ang mga dayuhang misyong diplomatiko sa bansa ay sumusunod sa tamang asal at hindi lumalabag sa hangganan ng diplomatikong gawi.

Ayon kay Hontiveros, matagal nang pinaninindigan ng Philippine foreign service na ang mga alitan sa pagitan ng mga estado ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng pormal at itinatag na diplomatikong proseso, at hindi sa pamamagitan ng mga pampublikong kampanya na nakatuon sa paninira ng mga indibidwal na opisyal.

Binigyang-diin din ng mambabatas na kung hahayaan lamang na lumipas ang ganitong uri ng mga pahayag nang walang tugon, maaaring maging normal na panghihimasok ng mga dayuhan at pagyurak sa dignidad ng mga institusyon ng bansa.

(DANG SAMSON-GARCIA)

79

Related posts

Leave a Comment